Deadline sa pagbabayad ng tax sa Alert Level 3 areas pinalawig ng BIR

Deadline sa pagbabayad ng tax sa Alert Level 3 areas pinalawig ng BIR

January 31, 2022 @ 1:40 PM 8 months ago


Manila, Philippines – Pinalawig ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng karagdagang 30 araw ang itinakda  nilang deadline para sa paghahain ng returns at pagbabayad ng kaukulang buwis sa mga lugar na idineklara ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) sa ilalim ng Alert Level 3, o mas mataas.

Batay sa inisyu ni BIR Commissioner Caesar R. Dulay na Revenue Regulations 1-2022, saklaw ng nasabing pagpapalawig ang pagsusumite ng tugon at protesta gayundin ng pang mga dokumento kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon.

Kabilang na din umano dito ang aplikasyon ng “tax refunds” at pagpapalabas ng mga assessment notices at seizure warrants.

Inulit ng BIR chief sa parehong direktiba ang kanyang mga naunang tagubilin sa mga nagbabayad ng buwis na maghain at magbayad ng buwis sa pinakamalapit na authorized agent banks (AABs), o sa revenue district office anuman ang kanilang hurisdiksyon.

Aniya, mas maige pa umano na ang mga magbabayad ng buwis ay dapat maghain at magbayad ng mga buwis gamit ang online upang maiwasan ang pagkakaroon ng sakit tulad na lamang ng COVID-19.

Aniya, ang mga nagbabayad ng buwis ay maaari ding mag-avail ng services mobile payment application ng GCash at PayMaya. JAY Reyes