Deadline sa renewal ng business permit sa Las Piñas pinalawig

Deadline sa renewal ng business permit sa Las Piñas pinalawig

January 22, 2023 @ 1:13 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas na ang deadline sa renewal ng business permit na dapat ay nagtapos na nitong Enero 20 ay kanilang pinalawig ng hanggang katapusan ng buwan o Enero 31.

Ayon kay Las Piñas City Mayor Imelda ‘Mel’ Aguilar ang resolusyon na ipinasa at inaprubahan ng City Council nito lamang Enero 16 ay kanyang nilagdaan upang mabigyan ng palugit ang mga magbabayad ng business permits, lisensya, buwis, at iba pang obligasyong nararapat na bayaran sa gobyerno ng walang surcharges at penalty.

Sinabi ni Aguilar na ginawa ng lokal na pamahalaan ang kaukulang aksyon dahil hanggang sa kasalukuyang ay nakatanggap pa rin ang Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng mga business permit registration pati na rin ng renewal ng mga aplikasyon.

Nakasaad sa resolusyon na nilagdaan ni Aguilar na hindi lamang para hikayatin ang mga establisimiyento sa pagbibigay ng palugit sa pagbabayad ng business permits at lisensya kundi paraan na rin ito upang maiangat ang koleksyon ng lungsod.

Sa pagbibigay ng palugit sa pagbabayad ng business permit ay mabibigyan din ng pagkakataon ang mga hindi pa nakapagbabayad na indibidwal at establisimiyento na maging legal ang kanilang operasyon.

Nabanggit din sa naturang resolusyon na magbebenipisyo ang lungsod sa pagbibigay ng extension dahil mandatoryong pagbabayarin ang mga taxpayers sa kanilang obligasyon na mag-aangat ng kita sa lokal na pamahalaan.

Nanawagan din si Aguilar sa mga business establishments na samantalahin na ng mga ito ang pagkakataon na ipinagkaloob ng lokal na pamahalaan upang hindi na sila mapatawan pa ng penalty kapag lumampas na ang itinakdang deadline na Enero 31. James I. Catapusan