Dean Asistio kinasuhan ng tinakot, minurang senior

Dean Asistio kinasuhan ng tinakot, minurang senior

April 27, 2022 @ 8:31 AM 2 months ago


No description available.

MANILA, Philippines – Patuong-patong na kaso ang siyang kakaharapin ni Dean Asistio matapos na pagmumurahin at takutin nito ang isang senior citizen na ayaw suportahan ang kanyang kandidatura sa pagka-congressman sa ikatlong distrito ng Caloocan.

Sa labing-isang pahina na complaint affidavit ni Melinda Bañaga Velarde na isinumite nito sa Caloocan Prosecutor Office apat na kaso ang isinampa nito laban kay Asistio.

Sa sinumpaang salaysay ni Velarde, Abril 8 2022 nang maganap ang nasabing insidente sa mismong tahanan nila.

Sinasabi na nangangampanya sa lugar si Asistio nang magtungo ito sa bahay ni Velarde at makita na ang mga poster na nakalagay sa tahanan ng huli ay ang kanyang kalaban sa pagka-kongresista na si Recom Echiverri.

Dahil sa nakita, nagalit si Assitio at dito na niya pinagmumura, tinakot, at pinagbantaan ang buhay ng senior citizen sa harapan pa ng labing-dalawang taon na anak ni Velarde.

Kahit natatakot ang menor de edad na anak ni Velarde ay nagawa nito na makuhanan ng video sa cellphone ang ginagawang ni Asistio sa kanyang ina.

Abril 12 2022 nang magpasya na sampahan ng kaso ni Velarde si incumbent councilor Asistio dahil na rin sa pangamba nito sa kanyang kaligtasan.

Inilagay ni Velarde na kung may masamang mangyayari sa kanya at sa pamilya nito ay wala nang ibang salarin kungdi si Asistio na mula sa angkan na makapangyarihan kingpin ng Caloocan.

Ayon pa sa senior citizen, pinamukha pa sa kanya ni Asistio na hindi na sila ulit makakalapit na makahingi ng anumang tulong sa kanya kung sakaling manalo ito.

Sinabi pa ni Velarde na siya ay pinagbantaan ni Asistio na siya ay “ipapadampot” kung hindi magbabago ang kanyang isip sa kandidatong kanyang susuportahan.

Nanindigan naman ang matanda na siya ay may karapatang malayang makapamili ng mga iboboto sa paparating na halalan sa May 9 2022 base na rin sa nakapaloob sa Universal Declaration of Human Rights, International Covenant on Civil and Political Rights, at 1987 Philippine Constitution.

Ang mga kasong kakahapin ni Asistio ay Grave Threats, Grave Coercion, Unjust Vexation, at Slander. RNT