Dalawang mayor ang magkasunod na pinatay habang dumaraming chairman ng barangay ang pinapatay rin.
Isa ngayong katanungan kung bakit dinaraan sa patayan ang pagsolba sa problema sa mga opisyal ng gobyerno na nakaupo sa bisa ng halalan.
Kaugnay nito, isa ring katanungan kung makatutulong sa pagsolba sa problema ang pagbabalik ng parusang bitay sa mga matitinding krimen.
…At kung mabilis ang pagtakbo ng katarungan sa mga seryosong kaso o problema na idinaraan sa patayan bilang solusyon.
MAYOR HALILI
Gaya ng alam na nating lahat, pinatay ng isang sniper gamit ang M14 rifle si Tanauan City, Batangas Mayor Antonio Halili nitong Lunes.
Nasapul ng bala ng baril ang kanyang dibdib at puso at idineklara siyang dead on arrival sa ospital.
Kasama sa narcolist o suspected na sangkot sa droga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Halili at nasabi rin ng Pangulo na palabas lang ang pagpaparada nito ng mga nahuhuling sangkot sa droga.
Magkagayunman, sinasabing dapat na maimbestigahan ang kaso ni Halili upang matukoy talaga ang may kagagawan nito.
Posible rin kasing hindi droga ang motibo sa pagpatay sa kanya.
MAYOR BOTE
Dead on arrival din sa isang ospital si General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinang Bote kamakalawa makaraan siyang pagbabarilin ng mga riding-in-tandem sa mismong labasan ng opisina ng National Irrigation Authority sa kanyang bayan.
Tinadtad ng bala ng baril ng mga kriminal ang sasakyan ni Mayor Bote at 18 ang tumama sa kanyang katawan.
Magkagayunman, tinitingnan ng mga imbestigador ang ilang sitwasyon na maaaring dahilan ng pagpatay sa kanya.
Kasama sa mga motibo ang pulitika, quarrying sa kanyang lugar at proyektong gobyerno na may kontrata siya.
Wala naman sa narcolist si Bote, ayon sa pulisya, at sa katunayan, hindi ito nagdadala ng badigard sa kanyang paggala bilang mayor.
UTOL NG DRUGLORD
Tinadtad naman ng bala si Brgy. Captain Remia Gregori, ng Brgy. Bakhaw, Mandurriao, Iloilo sa kanyang resort sa Brgy. Igcadium, San Joaquin, Iloilo noong Hunyo 24, 2018.
Kasamang namatay ang yaya ng kanyang anak na si Analee Antipatria habang nasugatan ang kanyang asawa na si Bonifacio Gregori Sr.
Kapatid ni kapitana ang napatay ng pulisya na druglord na si Richard Prevendido nitong nakaraang Setyembre 2017 at kasama sa napatay rin ang pamangkin nitong si Jason Prevendido sa Iloilo pa rin.
Marami umanong naiwan na transaksyon si Richard at si kapitana umano ang sumalo sa mga ito, kabilang na ang usaping pera sa paglalako ng droga.
RELECTIONIST
Walang kalaban ngunit gustong umulit bilang kapitan nitong nakaraang halalang pambarangay si Danilo Daanton, ng Brgy.Banlag, Monkayo, Compostela Valley.
Pangulo rin si Daanton ng Liga ng mga Barangay sa Monkayo.
Bukod sa pulitika, wala pang linaw kung may iba pang motibo sa pagpatay sa kanya sa pamamagitan ng baril ng ilang kalalakihan nitong nakaraang Abril.
Papauwi umano siya sakay ng motorsiklo mula sa palaro sa basketbol sa kanyang barangay nang tambangan siya.
INCUMBENT AT 2 EX-KAP
Magakasunod namang pinatay ang incumbent na kapitan at ex-kapitan ng Brgy. Mabalasbalas, San Rafael, Bulacan bago magkatapusan noong Abril 2018.
Pinagbabaril ng riding-in-tandem si incumbent at 3-termer Chairman Rodrigo Rodriguez habang nagbabayad ng binili nitong bigas sa isang tindahan sa kanyang barangay.
Pagkatapos nito at ilang araw lang makalipas, binaril din sa tiyan sa harapan ng kanyang bahay si ex-Kapitan Doro Vasallo.
Pinatay rin ang isa pang ex-kapitan na si Rodolfo “Punte” Venturina na kabarangay din nina Rodriguez at Vasallo.
May nahuling iniugnay sa pagpatay kay Rodriguez subalit wala pang linaw ang kaso hanggang ngayon.
Notryus umano sa droga ang nasabing barangay at maaaring isa ito sa mga dahilan ng pagpatay sa tatlong kapitan ng lugar.
Naaresto naman si Richard Pahina na tsuper ng SUV na sinakyan ng mga salarin matapos na abandonahin ang motorsiklong gamit ng mga ito.
BITAY AT SPEEDY TRIAL
Malaki ang paniniwalang dinaraan na lang sa patayan ang mga problemang gaya ng nabanggit dahil sa kawalan ng parusang bitay at kaduda-dudang takbo ng katarungan.
Maaari umanong idaraan ang mga problema sa mga hukuman kung may parusang bitay.
Gayundin kung magiging mabilis at hindi siyam-siyam ang takbo ng katarungan.
Isa ring mahalaga sa katarungan kaugnay ng mga hukuman ang pagpapairal ng pantay-pantay na trato sa mga akusado at nag-aakusa.
Panahon nang muling pag-isipan ang pagpapairal ng bitay bilang pangontra sa walang habas na mga pagpatay at tama at mabilis na paggawad ng katarungan na karaniwang binabaluktot, lalo na ng mga maiimpluwensya at makapangyarihan. – ULTIMATUM NI ANTIPORDA