Death penalty, ipase-certify as urgent ni Bato sa Palasyo

Death penalty, ipase-certify as urgent ni Bato sa Palasyo

July 8, 2022 @ 10:00 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Tiniyak ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na kanyang hihilingin kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na i-certify as urgent ang panukalang pagbabalik ng death penalty sa bansa.

“Given the chance, I will do it. Kung papansinin tayo,” ayon kay Dela Rosa.

Inihain muli ni Dela Rosa ang kanyang panukala na nagpapataw ng death penalty sa convicted large-scale drug traffickers.

“Based on personal experience, nakausap ko talaga yung mga drug lord doon sa loob ng Bilibid at isa sa kanilang rekomendasyon para talagang mahinto yung drug trafficking sa ating bansa ay kailangan talagang bitayin yung mga drug lord na nagta-traffic ng droga dito sa ating bansa. ‘Yun ang sabi nila,” ayon kay Dela Rosa.

“Kasi kung hindi bitayin, nakakulong lang sila sa loob ng Bilibid, nandu’n pa rin. Continue pa rin yung kanilang negosyo. Walang hinto. So kung binitay ‘yan, tapos na. Hindi na makapagpatuloy,” giit niya.

Nagtitiwala si Dela Rosa na makalulusot ang death penalty bill dahil si Senador Francis Tolentino ang chairman ng Senate Justice Committee.

“Sa akin naman, regardless kung sino ang magiging chairman ng Justice Committee ay i-refile ko pa rin yan dahil adbokasiya ko talaga ‘yan at alam ko na kailangang-kailangan ‘yan,” ayon kay Dela Rosa.

“Eh lalong-lalo na ngayon kung si Senator Tolentino ang magche-chairman ng Justice Committee, isa ring advocate sa ganung death penalty for high-level drug trafficking then malaking tiyansa na makalusot ito ngayon this Congress,” giit pa niya.

Sinabi ni Dela Rosa na nangako na si Tolentino na tatalakayin ng kanyang komite ang panukalang pagbabalik ng death penalty.

“Sinabihan ko siya na ‘Oh yung death penalty natin Tol, ikaw na ang pumalit kay Sen. Gordon ngayon. Dapat makalusot na Death Penalty natin.’ Eh tumango naman siya. So signal ‘yun na okay,” aniya. Ernie Reyes