Death penalty sa big time drug traffickers ibalik – Rep. Gomez

Death penalty sa big time drug traffickers ibalik – Rep. Gomez

November 28, 2022 @ 1:52 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pabor si Leyte Rep. Richard Gomez na ibalik ang parusang death penalty para sa mga big-time drug traffickers.

Ayon kay Gomez, kailangan na maging malakas ang kampanya ng bansa laban sa illegal drugs at naniniwala siya na isa sa paraan para mapigilan ito ay patawan ng parusang kamatayan ang sinumang mapapatunayang sangkot dito.

“The national government needed to intensify its campaign and apprehension program against illegal drugs. Kung kaya natin na palitan ang batas natin and then gawin natin na death penalty para sa drug traffickers at mga drug pushers, so be it. It has to be that strong,” paliwanag ni Gomez.

Ipinaliwanag ni Gomez na hindi na nadadala sa pakiusapan ang isyu ng illegal drugs kaya ang mainam na gawin ay magpataw ng mabigat na parusa.

“Ang problema ng drugs, hindi ito nadadaan sa pakiusapan eh. Hindi mo pwedeng pakiusapan at sabihin mo sa drug pusher, ‘Uy, ‘wag ka na magbenta ng drugs kasi masama talaga ‘yan, nakakasira ng bayan natin.’ ‘Pag ganyan ka magsalita, ikaw mismo babaralin ka ng mga no’n. Kailangan malakas talaga ‘yung pwersa,” giit ni Gomez.

Aminado ang mambabatas na tiyak na maraming aalma kapag sinimulan muli ang usapin ukol sa capital punishment at ang pagbuhay dito pangunahin na ang mga human rights at church groups gayunpaman mas dapat bigyang bigat ang nagiging epekto ng illegal na droga sa buhay ng isang tao at ng bansa sa kabuuan.

“We were almost in a narco state pag-upo nga ni Presidente Rodrigo Duterte. Wag na natin ipagpatuloy ‘yun. We have to make strong measures nang sa gayon ay talagang mapuksa at mabawasan ang incidents ng ilegal na droga dito sa bansa,” dagdag pa ng mambabatas.

Iginiit ni Gomez na patuloy na nakakaaresto ng mga indibidwal na sangkot sa illegal na droga at marami pa rin na nakukumpiska na illegal drugs na isang patunay na talamak pa din ang operasyon nito.

Sa datos ng Department of the Interior and Local Government (DILG), nasa 22,646 drug personalities ang naaresto resulta ng 18,505 police anti-illegal drug operations mula nang maupo sa Malacanang si Pangulong Bongbong Marcos habang nasa P9.7-billion halaga ng droga ang nakumpiska batay na rin sa rekord ng Philippine National Police. Gail Mendoza