Death threat sa mamamahayag, isumbong sa pulisya – Paranaque police

Death threat sa mamamahayag, isumbong sa pulisya – Paranaque police

October 7, 2022 @ 7:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hinikayat ni Paranaque City police chief P/Col. Renato Ocampo ang mga mamamahayag sa print, radio at telebisyon na agad na i-report sa pulisya ang kanilang mga natatanggap na death threats para sa kanilang proteksyon.

Sa isinagawang dayalogo na naganap bago mananghali nitong Biyernes, Oktubre 7 sa pagitan ng Parañaque police na pinangunahan ni Ocampo at ng mga miyembro ng media ay base na rin sa kautusan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na makipag-ugnayan ang pulisya sa mamamahayag upang malaman kung meron man na natatanggap ang mga ito ng death threat o pananakot na may kaugnayan sa kanilang trabaho.

Pinayuhan din ni Ocampo ang mga dumalong mamamahayag sa isinagawang dayalogo ang maagang pag-aabiso sa pulisya ng kanilang natatanggap na pagbabanta upang agad na matugunan at magawan ng nararapat na aksyon bago pa man may mangyaring masama.

Kasabay nito ay nagbigay din si Ocampo ng mga nararapat na gawin ng mga mamamahayag kung sakaling makatanggap sila ng threat sa kanilang buhay.

Ayon pa kay Ocampo, mahalaga ang partisipasyon ng media sa komunidad dahil sila ang nagbibigay ng impormasyon sa publiko sa mga nangyayari sa araw-raw sa iba’t-ibang sulok ng bansa gayundin ang pag-uulat ng mga nagawang kabutihan ng mga pulis.

Iminungkahi din ni Ocampo sa mga dumalong mamamahayag ang pagkakaroon ng buwanang pagsasama-sama ng mga miyembro ng Paranaque police at ng mga media upang mas lalo pang mapatibay ang samahan ng dalawang grupo na makatutulong sa pagpapalaganap ng seguridad ng bawat mamamayang Pilipino.

Ang pakikipag-ugnayan ng Philippine National Police (PNP) sa mga mieymbro ng media ay ipinag-utos ni PBBM bunsod ng pangyayaring pag-ambush kay radio broadcaster at commentator Percival Mabasa na mas kilala bilang si Percy Lapid nitong nakaraang Lunes, Oktubre 3 sa Las Pinas City. James I. Catapusan