Manila, Philippines – Nagpaalala si DILG officer-in-charge Eduardo Año, sa mga Alkalde at iba pang local official na nakatatanggap ng mga death threats na dapat itong ipaalam sa mga pulis upang maiwasan ang nangyaring magkasunod na pagpatay sa dalawang alkade.
Dagdag pa ni Año, ang mga official na kasama sa listahan ng pinaghihinalaang suspek sa iligal na droga ay ang kadalasang nakatatanggap ng death threats mula sa mga sindikato.
“Alam mo naman pag ikaw ay na-involve sa isang drug syndicate, marami nang puwedeng mangyari dahil alam mong may drug war na tinatawag,” sabi ni Año.
“Dapat makipag-ugnayan siya sa PNP sa kanyang lugar… Importante talaga ‘yun. Pero pag sinolo mo talaga, mahihirapan kang matulungan.”
Ang pahayag na ito ni Año ay dahil sa magkasunod na pagpatay sa dalawang alkalde, isa mula sa southern Luzon at isa pa sa Central Luzon.
Isa sa mga ito ay si Tanauan City Mayor Antonio Halili, kilala sa kaniyang ‘walk of shame’ campaign laban sa mga drugpusher kung saan siya rin ay kasama sa narco-list ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Halili ay isa sa mga Mayors ng Region 4-A na nasa police control sa ilalim ng utos ng pangulo noong nakaraang taon. Mariin naman itinanggi ni Halili na siya ay kasangkot sa illegal drugs trade bago pa man siya mapatay sa pamamaril ng hindi nakilalang suspek.
Sabi ni Año, si Halili ay nakipag-coordinate sa DILG nang masangkot ang kaniyang pangalan sa listahan ngunit hindi naman nito nabanggit na siya ay nakatatanggap ng death threats.
“Ang mahirap talaga pag mayor ka, siyempre you are out in the public, masyadong vulnerable. Pero ‘yan ang mga kasama sa sinumpaan mong tungkulin e,” sabi pa ni Año.
Si Halili ang pang-apat na alkalde na namatay na kasama sa listahan ni Duterte. Ang iba pa sa mga ito ay sina Rolando Espinosa ng Albuera, Leyte, Reynaldo Parojinog ng Ozamiz City at Samsudin Dimaukom ng Datu Saudi Ampatuan.
Samantala, ang isa pa sa mga namatay sa pamamaril ay si Ferdinand Bote ng General Tinio. Hindi man siya kasama sa listahan, binigyang diin naman ni Año na ang iba pang local official na nakakukuha ng ganitong banta ay maaari pa ring humigi ng tulong sa pulis.
Ayon naman sa report ni Central Luzon police director Chief Supt. Amador Valera Corpus, mayroon silang tatlong tinitignan na posibleng motibo sa pagpatay kay Bote: negosyo, isyu sa government projects at pulitika. (Remate News Team)