Death toll ng lindol sa Haiti, pumalo na sa 14

Death toll ng lindol sa Haiti, pumalo na sa 14

October 8, 2018 @ 11:13 AM 4 years ago


 

Port-de-Paix, Haiti – Umakyat na sa 14 indibidwal ang bilang ng namatay matapos tumama ang malakas na lindol sa northern Haiti nitong Sabado.

Ayon sa local official, nasa walong indibidwal ang namatay mula sa Port-de-Paix sa hilagang baybayin malapit sa epicenter ng magnitude 5.9 na lindol na may lalim na 11.7 kilometres (7.3 miles), ayon sa US Geological Survey.

Apat naman ang mula sa bayan ng Gros-Morne kabilang na ang isang babaeng namatay sa heart attack matapos yumanig ang lindol, ayon sa mga awtoridad.

Isa pa ang naitalang namatay sa bayan ng Chansolme nang bumagsak ang isang bahay at isa pang indibidwal naman mula sa Saint-Louis-du-Nord.

Patuloy naman ang isinasagawang rescue operation sa mga survivors na karamihan ay may trauma pa sa nakamamatay na lindol na tumama noong 2010.

Samantala, tumama ang magnitude 5.2 aftershock hapon nitong Linggo kung saan naalarma ang mga residente ng Port-de-Paix at ang iba’y nangako pang matutulog sa labas ng kanilang mga tahanan kinagabihan.

Wala pang naiuulat na pinsala na idinulot ng aftershock.

Samantala, sinabi ni President Jovenel Moise na magpapadala siya ng karagdagang pulis at militar sa mga rehiyon upang tumulong sa mga pamilya ng biktima.

Mayroong ilang bahay na lubhang napinsala ng lindol, ayon sa ahensiya. Gayunpaman, hindi pa rin tukoy ang kabuuang pinsala ng lindol gayong balik negosyo na ang ilang residente nitong Linggo.

Sa tala ng lokal na gobyerno, nasa 152 ang sugatan sa Port-de-Paix at ang iba ay malubha nang dinala sa capital Port-au-Prince para gamutin. 30 pa ang sugatan sa Gros-Morne./Remate News Team