‘Debate skippers’ ‘di palalampasin ng Comelec

‘Debate skippers’ ‘di palalampasin ng Comelec

April 1, 2022 @ 9:36 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Nanawagan si Commission on Elections (Comelec) Commissioner George Garcia sa Kongreso na magpasa ng batas na nag-aatas sa mga kandidato sa pagkapangulo na dumalo sa mga debate sa bawat halalan, at idinagdag na dapat magkaroon ng mga parusa sa mga debate skippers o mga kandidatong umiiwas sa mga debate.

Sinabi ni Garcia na humingi na rin ng tulong ang poll body sa law and education information departments upang suriin ang posibleng parusa sa debate skippers.

“Kung ano man yung sanction na iimpose namin may be questioned, sasabihin unconstitutional but at the same time inendorse namin, tulungan kami ng law department at ng education information department tungkol sa bagay na yan baka makahanap pa sila ng iba pang sanction,” sabi ni Garcia sa press briefing.

Umapela ang komisyoner sa Kongreso na magpasa ng batas pagkatapos ng May 2022 election para magkaroon ng presidential debate tuwing halalan.

“Kaya tayo po ay patuloy na nanawagan sa ating kagalang-galang na Kongreso after this election baka pwede na tayo makapagpasa ng batas na magkakaroon talaga ng presidential debate sa lahat ng election natin,” ani Garcia.

“At the same time ano yung mga guidelines, ano yung mga rules at the same time ano yung punishment, sanction, disqualification ba, election offense ba? Para po mas maganda mas malinaw, kasi kung Comelec ang gagawa nun that would be unconstitutional because that is legislation,” dagdag nito. Jocelyn Tabangcura-Domenden