Debris na posibleng mula sa nawawalang medical helicopter sa Palawan, narekober

Debris na posibleng mula sa nawawalang medical helicopter sa Palawan, narekober

March 3, 2023 @ 1:26 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Natagpuan ng mga awtoridad ang hinihinalang debris mula sa nawawalang medical helicopter sa Palawan, sa huling tukoy nitong lokasyon.

“May mga ilang debris nang na-recover yung ating mga search and rescue team sa pangunguna po ng Philippine Coast Guard doon sa last known location, malapit po sa last known location ng chopper,” pagbabahagi ni Jeremias Alili, pinuno ng disaster risk reduction and management office ng Palawan.

Kabilang sa mga nakuhang debris ay unan at sapatos, na sinabi ng kamag-anak nitong pagmamay-ari iyon ng pasyenteng sakay ng helicopter.

“Meron din pong nakita yung coast guard na canister o tangke ng gas at ito ay for verification pa at ipapa-identify pa namin sa operator ng helicopter,” sinabi pa ni Alili, sa panayam ng TeleRadyo nitong Biyernes, Marso 3.

Matatandaan na napaulat na nawawala ang helicopter nitong Miyerkules, Marso 1 matapos na isakay ang isang babaeng pasyente sa Mangsee Island, Balabac, Palawan at magtutungo sana sa Southern Palawan Provincial Hospital sa Brooke’s Point, ng kaparehong probinsya.

Ang medical evacuation flight na may registry no. N45VX ay pinapatakbo ng
Philippine Adventist Medical Aviation Services.

Samantala, sinabi ni Alili na nagpatuloy na ngayong Biyernes ang paghahanap sa mga nawawalang pasahero..

“Medyo malawak po ito, may siguro, umaabot ‘to ng 100-150 square kilometers ang sasakupin nito, considering po may factor po ng current. Yung current po ay going southeast,” aniya.

Tumulong na ang Philippine Navy, Philippine National Police Maritime Group, at iba pang local disaster response officials maging ang mga residente sa paghahanap.

Ito na ang ikatlong insidente ng nawawalang sasakyang panghimpapawid sa Pilipinas ngayong taon, kung saan nauna ay ang pagkawala ng Cessna plane sa Isabela at ang pinakahuli ay ang pagkawala ng Cessna plane sa Albay. RNT/JGC