‘Decoupling’ ng mga restriksyon sa COVID alert level system, pinabubusisi sa DILG

‘Decoupling’ ng mga restriksyon sa COVID alert level system, pinabubusisi sa DILG

December 12, 2022 @ 7:28 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inatasan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang Department of Interior and Local Government (DILG) na pag-aralan mabuti ang panukala sa paghihiwalay ng mga restriksyon mula sa COVID-19 alert level system.

Ito ay tinalakay sa IATF-EID ayon kay DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire.

Maaalala na sinabi ni Vergeire na irerekomenda ng DOH ang bagong alert level system sa COVID-19 na kahalintulad sa tropical cyclone warning system ng weather state bureau.

Ang COVID-19 alert level system ay tumutukoy sa community quarantine classification para sa pagharap sa COVID-19 na sumasaklaw sa buong lungsod, munisipalidad at/o rehiyon; naglalayong pamahalaan at mabawasan ang panganib ng sakit.

Ang alert level system ay mula 1 hanggang 5 kung saan karamihan sa lugar sa bansa ay nasa ilalim ngayon ng alert level 1 at 2.

“Under the current alert level 1, intrazonal and interzonal travel shall be allowed without regard to age and comorbidities. All establishments, persons, or activities, are allowed to operate, work, or be undertaken at full on-site or venue/seating capacity provided it is consistent with minimum public health standards,” sabi ng DOH.

Para sa alert level 2, papayagan ang intrazonal at interzonal movement ngunit ang mga makatwirang paghihigpit ay maaaring ipataw ng mga LGU, na hindi dapat mas mahigpit sa mga itinatakda sa ilalim ng mas mataas na antas ng alerto at napapailalim sa pangangasiwa, pagsubaybay, at pagsusuri ng kani-kanilang rehiyonal na IATF ayon sa DOH. Jocelyn Tabangcura-Domenden