Decriminalization ng paggamit ng droga, isusulong ni Dela Rosa

Decriminalization ng paggamit ng droga, isusulong ni Dela Rosa

November 24, 2022 @ 5:09 PM 6 days ago


MANILA, Philippines- Isinusulong ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang panukalang decriminalization ng paggamit ng illegal drugs upang mabawasan ang nakakulong at tugunan ang drug addicition bilang health issue sa halip na paglabag sa batas.

Sa pahayag, sinabi ni Dela Rosa, dating hepe ng PNP na naglunsad ng drug war sa panahon ng dating Pangulong Duterte kanyang ipinanukala ito matapos susugan ni Senador Robin Padilla ang panukala sa ginanap na pagdinig kamakailan.

“I am the author of the bill. Ako mismo ang gumawa, nag-author niyan at gusto ko talaga,” ayon kay Dela Rosa, chairman ng Senate committee on public order ang illegal drugs.

Sinabi ni Dela Rosa na hindi kasali sa panukala ang pagbebenta, pagmamanupaktura at trafficking ng droga.

“User lang. Iba ‘yung pushing, manufacturing, trafficking,” giit niya.

Ipinaliwanag pa ni Dela Rosa na hindi ikukulong ang sinumang mahuhuling gumagamit ng droga bagkus, dadalhin sila sa rehabilitation center upang magamot.

“So in order to decongest itong mga kulungan, sabi natin i-decriminalize na lang ‘yan dahil ‘yun namang mga rehabilitation centers natin ay hindi napupuno,” aniya.

Tinukoy din ng senador na umabot lamang sa 50 % ang occupancy rate ng drug rehabilitation center sa buong bansa, katunayan ginam it nnag COVID facility ang Mega Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center sa Nueva Ecija sa kawalan ng pasyente.

“Medyo maluwag ang drug rehab centers, ang occupancy is 50% lang. ‘Yung malaki nga natin sa Nueva Ecija napakababa ng occupancy rate, ginawa na ngang COVID facility,” paliwanag niya.

Sinuspinde ni Dela Rosa ang pagdinig matapos mahigpit na tinutulan ito ng law enforcement agencies.

Iginigiit ng Philippine National Police, Philippine Drug Enforcement Agency, Dangerous Drugs Board, at National Bureau of Investigation na baka magkaron ng maling interprestasyon ang panukala sa kabataan na okay lamang ang paggamit ng droga.

“Yung hearing na ‘yun sinuspend ko muna. Mag-hearing tayo uli dahil mabigat na talakayan ang kailangan dito para we will come up with a very good piece of legislation. Hindi ‘yung mamadaliin natin. Pag-usapan nating mabuti ito,” giit niya.

Aniya, tinatalakay ng panel ang panukala partikular ang ideya na magkaroon ng decriminalization ng paggamit ng droga.

“Siguro, hindi pa kasi natin na-tackle itong batas na ito, ‘yung instead of, i-decriminalize natin ‘yung drug using, instead of imprisonment, automatic i-rehab sila,” aniya.

Sinugundahan naman ni Padilla ang panukala sa pagsasabing nagiging malala ang drug user kapag nahalo sa mga tunay na kriminal sa loob ng kulungan.

Maganda po ‘yung sinabi ni Mr. Chairman na maihiwalay po sila sa mga kriminal dahil sa totoo lang po offenders lang itong mga ito. Kaya sana po mangyari ‘yun, Mr. Chairman,” ani Padilla. Ernie Reyes