Defensor binira sa paratang sa QC

Defensor binira sa paratang sa QC

January 26, 2022 @ 10:13 AM 8 months ago


Manila, Philippines-Binira ni Quezon City Spokesperson Pia Morato si Anak Kalusugan Party List Representative Mike Defensor sa mga paratang at alegasyon nito laban sa lokal na pamahalaan ng Quezon City.

Mistulang nag-backfire kay Defensor ang kanyang akusasyon na kinukwestiyon umano ng Commission on Audit ang kairalan ng pandemic procurements ng lungsod, na nagkakahalaga ng P479 milyon. Lumabag din umano ang city government sa mga regulasyon ng procurement law at galing umano ito sa pinakabagong COA report, na kaka-post lang umano sa website ng COA.

Sinabi ni Morato na kung titingnan ang website ng COA, wala namang bagong post o report dito. Sa katunayan, ang mga alegasyon ni Defensor ay batay sa report na naka-post sa website ng COA noong July 2021 pa. Ito ay “partial section”, o maliit na bahagi lang, ng year-end audit report ng Quezon City para sa taong 2020.

“Palagay ko ay panahon na para kumuha ng mas mahusay na researcher at PR team ang panig nina Defensor,” ayon kay Morato.

Ipinaliwanang pa ng spokesperson na “noong pinadala nila ang kanilang statement sa media, nag-research ang mga reporter at editor para alamin kung totoo nga ba ang mga paratang ng kampo ni Defensor. Doon nila nakita na galing pala ito sa year-end COA report kung saan iginawad pa nga sa Quezon City ang pinakamataas na audit rating sa buong kasaysayan ng lugar. Ang intensyon nila ay sirain ang reputasyon ng QC LGU, pero kabaliktaran pa ang nangyari.”

Sa 42 pages ng buong COA report, ang mga bintang ni Defensor ay kinuha lang sa tatlong pahina nito. Ang umano’y pagkuwestyon ng kairalan ng P479 million para sa pandemic procurements ay wala rin sa nasabing report, ngunit may payo lang ang COA na dapat makumpleto ng QC ang mga requirement upang mapag-aralan ito ng ahensya.

Ani Morato, “sa loob ng ilang linggo lamang, ipinasa ng QC LGU ang lahat ng supporting documents kaugnay nitong P479 million. Dahil sobrang nasiyahan ang COA sa aming paperwork at transparency, binigyan nila kami ng highest unqualified opinion para sa buong taon.”

“Mukhang masyado nang matagal sa loob ng bahay si Cong. Defensor, kaya ata siya nalilito. 2022 na, ‘wag na tayo mag-imbento at gumawa ng mga kwentong minero, lalo na tungkol sa mga bagay na nangyari noong 2020 pa,” pagtatapos ni Morato. RNT