Deklarasyon ng HFMD outbreak, posible – Solante

Deklarasyon ng HFMD outbreak, posible – Solante

December 8, 2022 @ 3:20 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Posibleng magdeklara ng outbreak sa hand, foot, and mouth disease (HFMD) dakaling tumaas ang kaso nito sa mga rehiyon sa bansa, ayon sa infectious diseases expert nitong Huwebes.

Sa televised public briefing, sinabi ni Dr. Rontgene Solante na nagsimula ang HFMD infections nitong Oktubre sa San Pascual, Batangas kung saan natukoy ang 105 kaso na karamihan ay sa mga edad 1 hanggang 16.

Aniya, nitong Nobyembre, halos 540 HFMD cases ang natuklasan sa Albay, kung saan apektado naman ang mga edad 1 hanggang 10. Sa parehong buwan, 145 kaso ang naitala sae Ilocos Region, na karamihan ay sa mga batang edad 4 hanggang 9.

Nakapagtala rin sa National Capital Region (NCR) ng 155 HFMD cases mula Oktubre hanggang Dsiyembre 6, kung saan karamihan ay mga edad 11 pababa.

“Ibig sabihin, medyo kalat na itong hand, foot, and mouth disease at ‘di natin nais masabi na anytime mag-declare tayo ng outbreak dito especially kung maraming regions ang apektado nito,” sabi ni Solante.

Inihayag ng Department of Health (DOH) nitong Martes na ang kaso ng HFMD ay tumataas sa Metro Manila, subalit wala pang deklarasyon ng outbreak para rito.

Sa kasalukuyan, ayon kay Solante, ang 155 HFMD cases sa NCR ay hindi rason upang magdeklara ng outbreak. Idedeklara umano ito kapag kumalat ang mga kaso sa mga karatig-rehiyon at kapag ang mga naiuulat na kaso ay tumaas sa mahigit 100 porsyento kumpara sa HFMD data noong nakaraang taon.

“Pangatlo, ang importante dito ‘yung mga hospital hindi napupuno sa HFMD na mga kaso. Isa din ‘yan sa mga basehan kung kailan tayo magdede-declare ng outbreak,” patuloy niya.

Base sa World Health Organization (WHO), ang HFMD ay pangkaraniwang infectious disease na nakaaapekto sa mga bata. Kabilang sa mga sintomas nito ang lagnat, painful sores sa bibig, at rash na may blisters sa kamay, paa at puwitan.

“Paano ito nakukuha ng mga bata? Kapag humahawak sila sa mga bagay na contaminated doon sa mga dumi ng mga infected individual tapos hindi sila naghu-hugas ng kamay, puwede nilang makain o paghawak nila ng pagkain, pag-inom ng tubig, pwede nilang malunok ang virus na ‘to,” ani Solante.

Maaari ring mahawa ang mga bata ng virus sa pamamagitan ng respiratory secretion o sa skin lesions ng isangHFMD-infected person, dagdag niya.

Sinabi pa ng eksperto na walang over-the-counter drugs na makagagamot sa HFMD, bukod sa paracetamol para sa mga nilalagnat. Wala rin umanong bakuna para sa nasabing sakit.

Binigyang-diin ni Solante na ang preventive method laban sa HFMD ay paghuhugas ng kamay. RNT/SA