Dela Rosa kay Bantag: ‘Suspects can’t be choosy’

Dela Rosa kay Bantag: ‘Suspects can’t be choosy’

November 15, 2022 @ 5:13 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Dapat sumuko si suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at harapin ang mga reklamo laban sa kanya hinggil sa pagkamatay ng broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa, ayon sa mambabatas nitong Martes.

“Suspects cannot be choosy. Mahirap kalabanin mo yung buong sistema ng gobyerno,” ani Senator Ronald “Bato” dela Rosa nitong Martes.

Sa panayam nitong Lunes, binigyang-diin ni Bantag na hindi siya susuko sakaling silbihan ng warrant of arrest hangga’t nananatili si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa kanyang pwesto.

Bagama’t sinabi niya na haharapin niya angkasong murder “like a man,” inamin ni Bantag na hindi magiging madali ang daan sa paglilinis ng kanyang pangalan dahil kay Remulla.

“My unsolicited advice to him is that kung lalabas yung warrant of arrest n’ya, he has to surrender. And if he believes deep inside his heart, his mind, and in his conscience that he is not guilty, then he has to face the music,” giit ni Dela Rosa.

Iminungkahi ng senador ang hiwalay na detention facility para kay Bantag gaya ng Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame sa Quezon City para sa kanyang kaligtasan mula sa mga preso na maaaring galit sa kanya.

Ipinagtanggol din ni Dela Rosa ang findings ng mga pulis at ng National Bureau of Investigation, at iginiit na imposibleng hayaan nilang maimpluwensyahan sila ng iba ang kanilang proseso.

“Ganito ang sensational na kaso, everybody is watching. Hindi pupwedeng magdrawing-drawing ang investigating agencies dito. Talagang honest-to-goodness investigation ang gagawin mo dito,” aniya. RNT/SA