Dela Rosa nababahala sa bagong EDCA sites

Dela Rosa nababahala sa bagong EDCA sites

February 7, 2023 @ 12:02 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pagkabahala si Senador Ronald “Bato” dela Rosa nitong Lunes, Pebrero 6 sa pagtatalaga ng Pilipinas at Estados Unidos ng karagdagang apat pang lugar para sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Sa panayam, ipinaliwanag ni Dela Rosa na bagama’t makatutulong ang EDCA sa panggigipit ng ibang bansa, hindi umano sinusunod ng ibang mga Amerikano ang batas sa bansa.

“Bubusisiin natin ‘yan. ‘Di natin basta-basta, we just accept that hook, line, and sinker. Sabi ko nga fifty-fifty ako dyan – 50 percent sumang-ayon dahil nga nakikita ko na that would form as deterrence against bullying coming from our neighbors. Maganda po yan. Nakikita nila na nandito yung Amerika ready to help filipinos when push comes to shove,” aniya.

“On the other hand, meron akong konting alinlangan d’yan pagdating sa ating sovereignty. Dahil pinapaalis nga sila dito noon, nasa teritoryo natin sila but parang hindi nila nirerespeto ang ating batas, ang ating soberanya. Ang sabi ko pag andito sila sa ating teritoryo, they should follow our rules, follow our law,” dagdag pa ng senador.

“Sumunod sila sa ating batas. ‘Di ‘yung may sarili silang republic within our own republic.”

Inihalimbawa niya ang kaso ni Lance Corporal Daniel Smith na umalis sa bansa noong 2009 makaraang ipawalang-sala ito ng Court of Appeals sa kasong rape, kabaliktaran ng desisyon ng Makati Regional Trial Court noong 2006.

“Pag meron silang sundalo na nang-abuso, nang-rape o pumatay, dapat they should be subjected to our laws. Di pupwedeng kukunin na lang nila, iuuwi sa Amerika dahil sa kanilang citizen yon at meron silang exemption or whatever ang alibi nila. Di pupwede yon. Mananagot sila kapag gumawa sila ng krimen dito sa ating bansa,” ani Dela Rosa.

Sinabi pa niya, dapat na kausaping mabuti ng Department of National Defense ang mga senador patungkol sa mga bagong EDCA sites.

“Yes, para ma-convince kami na ‘di kami hahadlang dyan sa EDCA na yan. We should be briefed accordingly,” ani Dela Rosa.

Mayroong limang kasalukuyang lokasyon ang EDCA, ito ang mga sumusunod:

Antonio Bautista Air Base sa Palawan, Basa Air Base sa Pampanga, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Mactan-Benito Ebuen Air Base sa Cebu, at Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro City. RNT/JGC