Dela Rosa sa kritiko ni Cascolan: DOH Usec ‘di kailangang doktor

Dela Rosa sa kritiko ni Cascolan: DOH Usec ‘di kailangang doktor

October 24, 2022 @ 3:36 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sinegundahan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang mga kritiko ni dating Philippine National Police (PNP) chief Camilo Cascolan na itinalaga bilang Department of Health undersecretary.

Ayon kay Dela Rosa, hindi naman kailangang doktor lang ang magpapatakbo ng isang organisasyon.

“Hindi naman talaga kailangang doktor ka kung mag-manage ka ng isang organization ‘di ba?,” diin niya.

“Pagdating sa management, hindi mo rin naman maku-kuwestiyon ‘yung kanyang abilidad pagdating sa management,” dagdag pa ni Dela Rosa sa isang panayam.

Dahil dito ay walang nakikitang problema ang Senador sa pagkakalagay kay Cascolan sa naturang pwesto.

“Wala po akong nakitang problema diyan. Bakit ‘pag Department of Health pala ay manggagamot ka na ng may sakit? Hindi naman. Management naman siguro ang kinakailangan galing sa kanya diyan,” paliwanag pa ni Dela Rosa.

Matatandaan na matapos kumpirmahin ang pagkakalagay kay Cascolan bilang DOH undersecretary, binatikos naman ito ng iba’t ibang grupo at sinabi pa na isa itong malaking insulto sa mga health professionals.

Ani Dela Rosa, mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang nagdesisyon nito.

“Bakit naman sila ma-i-insulto? Kinuha ‘yan ni Pangulong Marcos para tumulong magpatakbo sa departamento na ‘yan. Prerogative po ‘yan ng pangulo. Hindi ‘yan prerogative ng mga naiinsulto,” anang Senador. RNT/JGC