Delivery boy kinuyog, pinagsasaksak ng 3 magkakapatid

Delivery boy kinuyog, pinagsasaksak ng 3 magkakapatid

April 18, 2022 @ 4:09 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sa pagamutan ang bagsak ng isang water delivery boy matapos pagtulungang kuyugin at saksakin ng tatlong magkakapatid na kapitbahay niya sa Malabon City kahapon.

Ginagamot sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong saksak sa mukha at hiwa sa likod na bahagi ng leeg ang biktimang si Joel Parola alyas “Negro”, 38-anyos na taga-Barangay Catmon.

Sa report nina PSSg Ernie Baroy at PSSg Mardelio Osting kay Malabon police chief Col. Albert Barot, dakong alas-12:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa 290 Sitio 6, Brgy. Catmon matapos akusahan ng mga suspek na sina Jhon Michael Nabelon, 22, Marlon Nabelon, 28 at Martin Nabelon, 29, pawang residente sa Sitio 6, ang biktima na nambato sa kanilang bahay.

Lumabas ang biktima sa kanyang bahay upang itanggi ang akusasyon subalit, pinagtulungan siyang kuyugin ng mga suspek na armado ng basag na bote.

Matapos ang insidente, isinugod ang biktima ng kanyang kaanak sa nasabing pagamutan habang naaresto naman ng rumespondeng mga tauhan ng Malabon Police Sub Station 4 si Jhon Michael at narekober ang ginamit na basag na bote.

Patuloy naman ang follow-up operation ng pulisya laban sa dalawa pang nakatakas na mga suspek. Boysan Buenaventura