Delivery rider na nagbanta kay BBM kakasuhan ng DOJ

Delivery rider na nagbanta kay BBM kakasuhan ng DOJ

April 5, 2022 @ 12:48 PM 3 months ago


MANILA, Philippines- Inaprubahan na ng Department of Justice (DOJ) ang paghahain ng kaso laban sa isang delivery rider na umano’y nagbantang papatayin si presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sinabi ng DOJ’s Office of Prosecutor General (OPG) na ihahain ang kaso laban kay Michael L. Go sa Quezon City regional trial court (RTC).

Ayon pa sa OPG, ikakasa ang kasong grave threat sa ilalim ng Article 282 ng Revised Penal Code na may kaugnayan sa Republic Act No. 10175, ang Cybercrime Law, laban kay Go. Inirerekomenda umano nito ang piyansang P72,000 para sa pansamantalang kalayaan ni Go.

Kasalukuyang nakakulong si Go sa Quezon City Police Department (QCPD). Inihain ni Ken E. Romualdez at Bongbong Marcos ang kaso laban sa kanya.

“Grave Threat is a crime against public security,” giit ng OPG.

“Article 282 penalizes any person who shall threaten another with the infliction upon the person, honor, or property of the latter or of his family of any wrong amounting to a crime,” dagdag nito.

Ayon pa rito, nag-ugat ang kaso laban kay Go sa kanyang Tweet.

Ayon sa OPG nakasaad sa post ni Go na: “I was blocked by Marcos Jr in 2016. Paki sabi mag ingat siya sa Tandang Sora QC. Pag dumaan siya dun babarilin ko siya. Di ako takot makulong. Hindi rin ako takot mamatay. Isang malaking karangalan ipaghiganti mga kasama ko aktibista biktima ng karahasan panahon ng martial law.”

Dahil dito, naghain ang kampo ni Marcos ng reklamo sa QCPD na umaresto kay Go. RNT/SA