Delivery rider nagpanggap na naholdap nang matalo sa online sabong

Delivery rider nagpanggap na naholdap nang matalo sa online sabong

December 7, 2021 @ 11:20 AM 10 months ago


CAGAYAN- Mismong kanyang sariling ina ang nagbuking dahil sa pagpanggap at pagsinungaling ng isang delivery rider na hinoldap siya sa Lungsod ng Tuguegarao.

Ayon sa nagpanggap na biktima na si Hince Bueno, rider at residente ng Brgy. Leonarda, Tuguegarao City, hinarang umano siya ng mga nakasakay ng motorsiklo at tinangay ang kanyang P9,000 na koleksyon kasama ng kanyang mga gamit at motorsiklo.

Kalaunan ay nagsadya aniya ang mismong ina ni Bueno sa pulisya at isinalaysay ang katotohanan at nagawa lamang iyon ng kanyang anak dahil nagastos na niya ang pera.

Nabatid pa mula sa ina ni Bueno na ang kanyang motorsiklo ay hindi rin tinangay ng mga sinasabi nitong hold-uper bagkus ay isinangla niya ito matapos matalo sa online sabong.

Nang imbestigahan ito ng pulisya ay sinabi mismo ng pinagsanglaan nito na P6,000 ang halagang pinangsangla sa kanyang motor.

Ngayon ay tuluyan ng sinampahan ng kasong Obstruction of Justice si Bueno. Rey Velasco