Delivery rider sa viral ‘lugaw’ video nagpapasaklolo sa pagbabanta

Delivery rider sa viral ‘lugaw’ video nagpapasaklolo sa pagbabanta

April 2, 2021 @ 1:22 PM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Nagpapasaklolo ang delivery rider ng viral ‘lugaw’ video sa Bulacan dahil sa pagbabanta.

Kinilala ang delivery rider na si Marvin Ignacio.

Sa pamamagitan ng Facebook Live, nanawagan ng tulong si Ignacio mula sa tatlong lalaking nagpunta sa tahanan niya Huwebes ng gabi bitbit ang memorandum na magpapasara sa lugawan na nagpa-deliver sa kanya nito.

Giit ni Ignacio na kahina-hinala ang pagpunta sa kanya ng tatlong lalaki na ginawa sa gitna ng curfew.

“Sana po matulungan ninyo kami. Pinag-iinitan na naman ‘yung Lugaw Pilipinas. May nagpunta po roon, tama po ba ‘yun… Pasensya na po ha, kasi natatakot ako… Baka saktan nila ako,” panawagan nito.

Lahad pa ni Ignacio na sinigawan pa siya ng tatlong lalaki.

“Kung nakita n’yo lang kanina paano ako brasuhin ng mga mama na ‘yun,” aniya.

Matatandaan nitong Martes ng madaling araw, hinarang si Ignacio ng mga tauhan ng barangay sa pagde-deliver ng lugaw.

Ayon sa opisyal ng barangay, hindi essential ang lugar kaya’t hindi maaaring mag-deliver sa oras ng curfew.

Nag-viral ang video na pinost ni Ignacio sa Facebook.

Tumugon ang Malakanyang sa insidente at sinabing kasama ang lugaw sa essential goods at maaari itong i-deliver 24/7.

Nananatili namang sarado naman ang Lugaw Pilipinas, tindahan ng lugaw na nagproseso ng order.

Anila, na-trauma ang mga empleyado nito sa insidente. RNT/ELM


  •  
  •  
  •