Delivery rider tiklo sa P1.5M shabu sa Valenzuela

Delivery rider tiklo sa P1.5M shabu sa Valenzuela

December 14, 2022 @ 1:51 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umabot sa mahigit P1.5 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat sa isang umano’y drug pusher na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos masakote sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City.

Kinilala ni Valenzuela Police chief P/Col. Salvador Destura Jr, ang nadakip na suspek na si Winrich Quizano alyas “John John”, 38, may-asawa, delivery rider, residente ng Phase 6, Camarin Little Baguio, Upper level, Brgy. 180, Caloocan City.

Base sa report ni Col. Destura kay Northern Police District (NPD) Acting District Director PBGEN Ponce Rogelio Peñones Jr, dakong alas-10:30 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Joel Madregalejo ng buy bust operation sa 1st St., Brgy. Marulas ng nasabing lungsod.

Sa ulat ng pulisya, nagawang makipagtransaksyon ng isang pulis na nagsilbi bilang poseur buyer sa suspek ng P40,000 halaga ng umano’y shabu.

Nang matapos ang transaksyon at ibinigay na ng suspek ang binili na iligal na droga ay agad na nagbigay ng hudyat ang pulis sa kanyang mga kasamahan at mabilis na nagsilapit upang arestuhin ang suspek.

Narekober kay Quizano ang tatlong knot tied transparent plastic bag, kabilang ang (object of sale) na umabot sa 225 grams na naglalaman ng hinihinalang shabu na may standard drug price P1,530,000.00, isang tunay na P500 peso bill, kasama ang isang P500 at 39 pirasong P1,000 peso bill boodle money, P320 pesos, body bag, cellphone at Honda Click motorcycle.

Mahaharap sa kasong Section 5 at 11 under Art II of RA 9165 ang isasampa ng pulisya laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. R.A Marquez