Demolisyon kay Antiporda binatikos ng 2 solons

Demolisyon kay Antiporda binatikos ng 2 solons

November 18, 2022 @ 5:04 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Inihayag ng isang kinatawan ng party-list sa Kongreso at isang lady solon na ang pagsuspinde kay National Irrigation Administration (NIA) administrator Benny Antiporda ay naglalagay sa panganib sa pangangailangan ng supply ng enerhiya sa bansa at mga pangangailangan sa irigasyon.

“Nakababahala na ang isang magaling na tao ng gobyerno ay sirain dahil lang sa kanyang management style na tama lang na gawin dahil maraming anomalya sa NIA,” sabi ni Philippine Rural Electric Cooperative Association (Philreca) Rep. Presley C. De Jesus.

Ang tinutukoy ng solon ay ang reklamong inihain laban kay Antiporda ng dalawang dating opisyal ng NIA dahil sa umano’y grave misconduct, harassment, oppression at ignorance of the law.

Si Antiporda ay pinatawan ng anim na buwang preventive suspension na walang sahod noong Nobyembre 15, 2022.

Sinabi ni Antiporda, na agad na sumunod sa utos ng Office of the Ombudsman, na hindi pa siya nakataatanggap ng pormal na kopya ng reklamo laban sa kanya.

Idiniin naman ni Iloilo Rep. Julienne “Jamjam” Baronda, ang first lady solon ng Iloilo, na “kahina-hinala” ang tiyempo ng pagsususpinde kay Antiporda habang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nagtalaga kay Antiporda, ay abala sa paghahanda para sa pulong ng APEC sa Thailand.

Ang isa pang sinasabing nagrereklamo, ang NIA Employees Association of the Philippines (NIAEASP), ay tinuligsa na ang pagkakasama nito bilang complainant laban kay Antiporda.

Sa katunayan, sinabi ni NIAEASP president Eduardo Yu sa isang pahayag noong Nobyembre 16 na nananatili at naninindigan sila ng pagsuporta sa pamumuno ni Antiporda sa NIA.

Sinabi ni Rep. De Jesus bilang nangungunang boses sa Kongreso para sa mga electric cooperative sa bansa na ang pag-tap sa PPP na iminungkahi ng Antiporda ay makatutulong din sa pagtugon sa pangangailangan ng suplay sa kuryente sa mga kanayunan.

“Ang rural electrification ang aking adbokasiya. Kapag nakapagtayo ng maraming (water) dams, marami rin ang maitatayong hydroelectric power at solar power plants,” ayon kay De Jesus.

“At dahil sa PPP proposal ni Antiporda, siguradong dadami ang mga proyekto na makatutulong din sa problema sa kuryente (supply) sa rural areas,” ipiununto ni Rep. De Jesus. Nats Taboy