DEMOLISYON NAKAAMBA SA SITIO QUARRY SA INDANG

DEMOLISYON NAKAAMBA SA SITIO QUARRY SA INDANG

February 25, 2023 @ 12:49 AM 4 weeks ago


NANGANGANIB na mawalan ng lupa at tirahan ang mga residente ng Sitio Quarry sa Brgy. Bancod sa Indang, Cavite matapos maglabas ng ‘Notice to Vacate’ ang Regional Trial Court – Office of the Clerk of Court & Ex Officio Sheriff ng Naic, Cavite.

Sa Civil Case No. NC-2011-2048 For: Rescission of Contract, Recovery of Possession, Delivery or Return of Title with Damages, ang Plaintiff/s ay si Roberto Espineli, Et.Al., habang ang Defendants ay ang Cavite Habitat Foundation Inc., (CAHAFI) and/or Facundo G. Dardo Jr., and any all persons or entities claiming rights under them.

Sa ipinadalang liham, nakasaad na “You are hereby notified by these presents that a ‘Writ of Demolition’ was issued against you by Ms. Karen M. Limpiada, OIC – Legal Research Branch 15, Naic, Cavite, dated November 15, 2022.

Please be informed that by virtue of the Writ of Demolition issued against You, you are hereby directed, within forty five (45) days from receipt hereof, to peacefully vacate the premises in question and surrender possession to petitioner.

Malamang na sa araw ng Pebrero 25 o 26, 2023 magaganap ang demolisyon sa mga tahanan at lupa ng mga residente ng CAHAFI sa Sitio Quarry, Brgy. Bancod, Indang, Cavite.

Gaya nang nauna na nating tinalakay sa kolum na ito ay hindi squatter ang mga residente ng Sitio Quarry dahil bumili sila ng lupa sa dating developer na CAHAFI na bumili ng lupa sa mga Espineli.

Namatay ang head o naunang Presidente ng developer ng CAHAFI na hindi pa natatapusang bayaran ang mga Espineli kaya naman matagal na natengga ang lupa hanggang sa magkasuhan na.

Samantala, pumasok muli sa ibang developer ang mga Espineli, sa pangyayaring ito ay naipit o biktima na ang mga residenteng nakabili nang lupa at nakapagpatayo ng bahay dahil nais ng bagong developer o bagong nakabili ng lupa na i-demolish lahat ng nakatayong bahay dito at makuha lahat ang lupain.

Nakikipag-usap naman ang mga Espineli at ang bagong developer na babayaran ang mga may nakatayo ng bahay na maide-demolish, ngunit ayon sa mga residente ay maliit na halaga lamang ang inaalok sa kanila na hindi sasapat para makahanap o makabili ng bagong lupa at makapagpatayo ng bagong tirahan.

Kaya naman patuloy ang panawagan sa pamahalaan mula baba hanggang nasyunal ng mga residente at nakabili ng lupa sa Sitio Quarry na masaklolohan at matulungan sila sa gusot na ito.