Home METRO Demolisyon ng BFP building tinutulan ng heritage advocates

Demolisyon ng BFP building tinutulan ng heritage advocates

MANILA, Philippines- Nakatakdang gibain ang makasaysayang Sta .Mesa Fire Station 8 sa Ramon Magsaysay Boulevard upang bigyang-daan ang road widening project ngunit ang plano ay tinutulan ng heritage advocates.

Sinabi ni Bureau of Fire Protection – National Capital Region (BFP-NCR) logistics division chief Fire Superintendent Emmanuel Ricafort na sumailalim na sa bidding ang proyekto at nai-award na.

Ayon kay Ricafort, matitira na lamang ay halos 150 mula sa 335 square meters o halos kalahati ng fire station.

“Ito ‘yung naging basis para i-reconstruct itong fire station, at the same time, in-align din natin ‘yung ating programa, ‘yung modernization ng BFP,” dagdag pa ng opisyal.

Suportado ng BFP ang pagtatayo ng bagong gusali dahil ang pasilidad ng Sta. Mesa Fire Station 8 kabilang ang kisame at dranaige system ay sira na.

Samantala, tutol naman ang Cultural organization Renacimiento Manila sa plano na nagsasabi na habang may pangangailangan para sa pagpapaunlad ng pasilidad ng paglaban sa sunog, hindi ito dapat na ikapinsala ng “kayamanan.”

Ayon kay Renacimiento Manila president Diego Gabriel Torres, mahalagang maunawaan ng mga Pilipino ang kwento ng pag-unlad pagdating sa ‘terms of the story’ ng mga bumbero at firefighting sa Pilipinas.

“The best we could do is to retrofit and strengthen, have a structural analysis, anong parts nito ang maayos pa at kaya pang ma-salvage. And as much as possible, most of the building ang gusto pa nating maging intact pa naman,” dagdag niya.

Sumulat na rin ang Renacimiento Manila sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP) kaugnay nito upang mahinto ang demolisyon.

Sa  naunang pahayag, sinabi ng grupo na ang Santa Mesa Fire Station ay itinayo noong 1919 at itinalaga bilang Station Number 8. Ito ang huling itinayo noong American at Prewar Years.

“It survived World War 2 and as a result retain many fire fighting technologies and equipment which provide a glimpse into Fire Fighting History in Manila,” sabi ng grupo.

Sa ngayon, pananatilihin ang lumang gusali hanggang sa mag-isyu ng permit ang Manila City government para sa proyekto.

Sinabi ng public information office ng Maynila na tinitingnan pa nila kung may mga kinakailangang dokumento ang BFP, kabilang ang clearance mula sa NHCP, para magpatuloy sa proyekto. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleTransparency sa power outages iginiit ni Tolentino sa NGCP
Next articlePaggamit sa Malasakit Centers sa panloloko, kinondena ni Bong Go