Dengue cases sa Calabarzon umakyat ng 124%!

Dengue cases sa Calabarzon umakyat ng 124%!

August 26, 2022 @ 3:06 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Ang Department of Health (DOH)- CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) ay nag-ulat ng pagtaas na 124 porsiyento sa kaso ng dengue, mas mataas kaysa sa naiulat na mga kaso sa parehong panahon noong 2021.

Sinabi ni DOH-Calabarzon Regional Director Ariel I. Valencia na lahat ng mga lalawigan sa CALABARZON ay nakapagtala ng pagtaas sa mga kaso ng dengue dahil sa tag-ulan at pagtaas ng mobility.

“Patuloy ang pagtaas ng cases natin sa dengue, dahil parin sa patuloy na mga pag-ulan at ang pagtaas ng mobility dahil sa economic activity,” sabi ni Valencia.

Idinagdag ni Valencia na ang CALABARZON ay nakapagtala ng 11, 842 dengue cases o 124 percent na mas mataas kaysa sa 5, 287 na kaso na naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Mayroong 19 na pagkamatay na naitala. Ipinakita rin ng datos na ang pangunahing pangkat ng edad na apektado ng dengue ay mula 1 hanggang 10 taong gulang.

Naitatala ng Laguna ang pinakamataas na bilang ng mga kaso sa 3, 705 na sinundan ng Rizal na may 2, 554; Cavite na may 2, 077; Quezon 1, 799; Batangas na may 1, 599; at Lucena na may 108.

Hinikayat ng DOH ang mga residente na gawin ang mga kinakailangang pag-iingat habang patuloy na tumataas ang mga kaso dahil hindi pa tapos ang tag-ulan.

“Nananawagan ako sa lahat ng mga residente na gawin ang lahat ng mga pag-iingat para maiwasan natin ang paghantong sa epidemic,” dagdag ni Valencia.

“Ngayong nagsimula na ang face-to-face classes, pinaalalahanan din natin ang mga guro na gawin ang mga kaukulang hakbang para maprotektahan natin ang mga bata habang nasa loob ng paaralan,” ayon pa kay Valencia.

Bago ang pagbubukas ng klase noong Agosto 22, inilunsad ng DOH CALABARZON sa pakikipagtulungan ng Department of Education (DepEd) ang “Para sa Henerasyong Healthy, Balik Sigla sa Pagbalik Eskwela” sa mga piling paaralan sa CALABARZON.

Ang DOH CALABARZON ay namahagi ng anti-dengue at iba pang mga vector control supplies sa mga paaralan at sa mga local government units (LGUs), na itinatampok ang ceremonial installation ng Olyset nets. Jocelyn Tabangcura-Domenden