Dengue cases sa Pinas mahigit 73K na

Dengue cases sa Pinas mahigit 73K na

July 25, 2022 @ 1:28 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Mula Enero 2022 ay tumaas ang naitalang kaso ng dengue sa mahigit 73,000, kung saan ang mahigit 18,000 ay naitala lamang noong nakaraang linggo ayon sa Department of Health (DOH).

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni DOH officer-in-charge Dr. Maria Rosario Vergeire na ang kabuuang  18,699 dengue cases ay naitala mula Hunyo 12 thanggang Hulyo 9.

Dahil dito, umabot na sa 73,909 ang kabuuang kaso ng dengue sa bansa ngayong taon.

Sinabi ni Vergeire na ang mga rehiyon na may pinakamaraming kaso ng dengue ay ang Central Luzon, Cagayan Valley, at ang National Capital Region (NCR).

“Sa ngayon, patuloy ang ating kampanya laban sa dengue kung saan tayo ay nagmo-mobilize ng ating mga local governments para gawin natin ‘yung 4S strategy at saka ma-mobilize ang kanilang dengue brigades,” sabi ni Vergeire.

Ang 4S strategy ay ang: Search and destroy breeding places;  Self-protection; Seek early consultation; at Support fogging o spraying sa mga hotspot areas, lalo na tuwing panahon ng tag-ulan.

Ang DOH, kasama ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Environment and Natural Resources (DENR), ay naglabas ng joint advisory noong Linggo, na nagpapaalala sa publiko na tanging mga siyentipikong solusyon lamang ang makakalutas sa mga problema sa kalusugan ng bansa tulad ng dengue.

Sinabi nila na ang vector control, at hindi paglalagay ng mga palaka at isda sa mga latian at stagnant na tubig, ay maaaring makatulong sa pagsugpo sa dumaraming kaso ng dengue sa Pilipinas.

“This kind of practice ay maaring makasira ng ating ecosystem kasi invasive specie itong tinatawag na mga palaka na pinapakalat na ito at ang pinakaimportante ay maaaring makapag-pose ng health risk ito dahil maaaring malason ang ating kababayan and even their pets,” ani Vergeire.

Nauna nang sinabi ni Vergeire na ang pagtaas ng kaso ng dengue sa bansa ay nakaaalarma dahil marami na ang na-aadmit sa mga ospital.

Bukas din aniya ang DOH na muling pag-aralan ang mga posibleng ebidensyang ipinakita ng dengue vaccine na Dengvaxia sa pagprotekta sa mga tao laban sa virus. Jocelyn Tabangcura-Domenden