Dengue outbreak, idineklara sa Baybay City

Dengue outbreak, idineklara sa Baybay City

August 2, 2018 @ 6:32 AM 4 years ago


 

 

Leyte – Idineklara na ng Department of Health (DOH) ang dengue outbreak  sa Baybay City, Leyte dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng naturang sakit.

Sa rekord, 308 kaso na ang naitala sa naturang lungsod kung saan tatlo na rito ang namatay.

Ayon sa DOH, importante  pa rin na sa barangay level pa lamang ay pangunahan na ang mga programa laban sa pagsugpo sa lumalalang pagtaas ng kaso ng dengue sa pamamagitan ng pagpuksa sa mga pinamumugaran ng lamok.

Nagsagawa na rin ng fogging at clean-up activities ang lokal na pamahalaan ng Baybay City sa ilang barangay.

Nabatid na sa buong Eastern Visayas may 1,792 dengue cases na ang minomonitor.

Kamakailan lamang ay nagdeklara na rin ang DOH ng chikungunya outbreak  sa Maripipi, Biliran na may 79 kaso.

Muli namang nagbabala ang DOH sa publiko na panatilihing malinis ang kapaligiran at ugaliing gawin ang 4S campaign.

Ito ay ang “Search and destroy, Seek early consultation, Secure self-protection, and Support fogging in hot spot areas”. (JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN)