Dengue Virus Test and Screening Center, isusulong sa Kamara

Dengue Virus Test and Screening Center, isusulong sa Kamara

September 21, 2022 @ 12:34 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Isang panukala na naglalayong matutukan ang dengue cases sa bansa ang inihain sa House of Representatives.

Sa House Bill 4607 ni Cebu City Rep. Eduardo Roa Rama ay isinusulong nitong magtatag ng Dengue Virus Testing and Screening Center sa bawat siyudad at munisipalidad sa buong bansa.

Sa explanatory note ng panukala sinabi ni Rama na patuloy ang pagtaas ng kaso ng dengue sa bansa, sa datos ng Department of Health ay nasa higit 100,000 na ang kaso ng dengue na naitala sa pagitan ng Enero hanggang Agosto 2022, sa nasabing bilang ay 270 ang nasawi.

Ayon kay Rama, nakakaalarma na ang numero at ang taon taon na lamang na sitwasyon ng bansa pagdating sa dengue kaya nagangailangan na ng tamang pagtugon mula sa gobyerno.

Aniya, wala pang gamot para sa dengue ngunit maaari itong ma-manage o maagapan sa pamamagitan ng early diagnosis at tamang pamamahala, giit ni Rama, makakatulong ang rapid diagnostic test (RDT) para sa mga may sintomas ng dengue upang mabawasan ang morbidity at mortality.

Ipinaliwanag ng mambabatas na bagamat mayroong programa ang DOH para sa National Dengue Prevention and Control Program ay hindi pa ito β€œinstitutionalized” o naibabatas kaya hindi masyadong natutukan, bukod dito ay maraming Local Government Units ang walang dengue diagnostic test centers para matugunan ang mga nagkakasakit na residente.

Sa ilalim ng panukala ni Rama ang itatayong Dengue Virus Testing and Screening Center ay mag-aalok ng libreng RDT sa mga indibwal na suspected dengue case o mga taong nagmula sa lugar na may malaking banta o kaso ng dengue.

Bukod sa magkakakaron ng free testing, ang center din ang syang magpapakalat ng mga tamang impormasyon ukol sa dengue gayundin ang magtuturo ng detection, control at management laban sa sakit.

Naniniwala si Rama na kung buong bansa ang kikilos laban sa dengue at ay paghahanda ukol dito ay maiiwasan ang mga nasasawi sa sakit dahil sa early intervention. Gail Mendoza