Dengvaxia case ng PAO, pinababasura ni dating Health Secretary Garin

Dengvaxia case ng PAO, pinababasura ni dating Health Secretary Garin

June 26, 2018 @ 7:13 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Nagsumite ng counter affidavit  sa Department of Justice (DOJ) si dating Health Secretary Janet Garin upang hilingin ang pagbasura ang kanilang kinasasangkutang kaso kaugnay sa dengvaxia vaccine na isinampa ng Public Attorney’s Office (PAO).

Giit ni Garin na walang basehan ang akusasyon laban sa kanila lalo na at ipinatupad lamang nila ang immunization program ng pamahalaan.

Sinabi pa ng dating kalihim na bago ipatupad ang nasabing programa ay dumaan ito sa ilang taong masusing pag-aaral o evaluation process ang Dengue Immunization Program  na isinagawa ng mga pampubliko at pribadong institusyon  hindi lamang sa bansa kundi maging sa ibang bansa.

Itinanggi rin ni Garin na minadali ang programa dahil ito ay ipinatupad  isang buwan bago ang 2016 elections.

Kapakanan ng mga mamamayan sa pagpapatupad ng nasabing programa ang lagi aniyang isinasaalang-alang ng kagawaran at pamahalaan.

Dumaan aniya sa masusing proseso ang procurement ng Dengvaxia kaya’t wala aniya siyang pananagutan sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.

Ang dating Health Secretary kasama si  Health secretary Francisco Duque III at 38 iba pa ay nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide sa ilalim ng Article 365 of the Revised Penal Code (RPC); torture resulting in the death of a person and the torture of a child under Republic Act (RA) No. 9745, also known as the Act Penalizing Torture and Other Cruel, Inhuman and Degrading Treatment; obstruction of justice under Section 1(b) of Presidential Decree No. 1829; at violation of Section 3 of RA 3019, the Anti-Graft and Corrupt Practices Act. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)