Dengvaxia vaxx vs dengue pag-aralan muna – DOH

Dengvaxia vaxx vs dengue pag-aralan muna – DOH

July 12, 2022 @ 2:12 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Kailangang mapag-aralan munang mabuti bagama’t bukas ang Department of Health (DOH) na maibalik ang bakuna ng Dengvaxia sa ating bansa.

Ang pahayag ng DOH ay kasunod ng ilang mungkahi na muling gamitin ang Dengvaxia vaccines sa gitna ng mataas na mga kaso ng dengue.

Sinabi ni Health Usec Maria Rosario Vergeire sa media forum na noong 2018 ay na-revoke ang certificate of product registration o CPR ng bakuna ng Dengvaxia.

Nasuportahan at nasusugan ito ng kagawaran dahil sa kakulangan ng mga ebidenya.

Pero sinabi ni Vergeire na upang maibalik ang Dengvaxia vaccines ay kailangang matiyak na kumpleto ang mga ebidensya, makakuha ng inputs sa mga eksperto at may mga proseso at pag-aaral na dapat isagawa.

Iginiit-din ni Vergeire na dapat maging compliant o nakakasunod ang mga manufacturer, sa mga regulasyon ng ating bansa.

Binigyan diin ng opisyal na ang DOH ay lagi namang bukas sa mga bagong teknolohiya o bakuna pero kung maipapakita ng mga ebidensya na kaya nitong protektahan ang publiko.

Samantala, habang wala pang bakuna kontra dengue sa Pilipinas ngayon, sinabi ni Vergeire na mainam na ituon ang pansin sa iba pang hakbang para masugpo ang pagtaas ng mga kaso ng dengue, gaya ng paglilinis ng kapaligiran, ipatupad ang 4S at iba pa. Jocelyn Tabangcura-Domenden