DENR bumuo ng task force vs epekto ng lumubog na oil tanker sa OrMin sa marine ecosystem

DENR bumuo ng task force vs epekto ng lumubog na oil tanker sa OrMin sa marine ecosystem

March 2, 2023 @ 2:20 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Bumuo ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng task force para bantayan ang marine protected areas na maaaring maapektuhan ng posibleng oil spill mula sa motor tanker na may dalang 800,000 litro ng industrial fuel oil na lumubog sa Naujan, Oriental Mindoro noong Martes.

Nabatid sa isang pahayag, sinabi ng DENR na nilikha ang “Task Force Naujan Oil Spill” matapos itong magsagawa ng emergency meeting kasama ang Philippine Coast Guard, Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor, at Naujan Mayor Henry Joel Teves.

Kaugnay nito itinalaga bilang task force commander si DENR Undersecretary at chief of staff Marilou Erni, na nagsilbi bilang corporate ground response coordinator noong Guimaras oil spill noong 2006.

Samantala sinabi ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Rear Admiral Armand Balilo noong Miyerkules na binabantayan nito ang posibleng oil spill mula sa MT Princess Empress na ngayon ay tuluyan nang lumubog.

Ayon sa PCG, isang oil spill ang anim na kilometro ang haba at apat na kilometro ang lapad ang namataan sa lugar kung saan lumubog ang tanker.

Samantala sinabi ng PCG, handa sila para sa posibleng oil spill mula sa lumubog na tanker sa Mindoro.

Nabatid sa isang ulat ng DENR-BMB na sa maximum na 40-kilometer radius mula sa 5NM East ng Balingawan Port, 21 locally-managed marine protected areas ang posibleng maapektuhan dahil sa oil spillage.

Natukoy ito matapos magsagawa ng water sampling ang DENR sa mga munisipalidad ng Naujan, Pola, at Pinamalayan. Santi Celario