DENR, DAPAT MANGUNA LABAN SA OIL SPILL

DENR, DAPAT MANGUNA LABAN SA OIL SPILL

March 16, 2023 @ 11:01 AM 2 weeks ago


SA gitna ng kontrobersya sa oil spill o tagas ng langis mula sa lumubog na MT Princess Empress, dapat nang magkaroon ang pamahalaan ng ahensyang mangunguna laban sa ganitong problema.

Malinaw itong usapin ito sa gitna ng ng mga imbestigasyong isinasagawa ng Maritime Industry Authority, Philippine Coast Guard, Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, mga apektadong government local unit, National Disaster Risk Reduction Management Council, Senado at Dep’t. of Environment and Natural Resources.

Naghahalo ang balat sa tinalupan sa dapat na lead agency sa giyera sa oil spill.

SINO-SINO BA SILA?

Ang MARINA ang naglalabas ng Certificte of Public Convenience o CPC para sa mga barko.

PCG naman ang nagtse-check kung may CPC ang isang barko.

Ang DA-BFAR, nagtse-check ng kalagayan ng mga yamang dagat.

Ang NDRRMC, ang nagko-coordinate o nagpapakilos sa lahat ng ahensya ng gobyerno, nasyunal, panrehiyon at LGU para sama-samang lumaban sa kalamidad gayang oil spill.

Ang LGUs, merong kompletong departamento o naka-partner sila sa nasabing mga pambansang ahensya laban sa kalamidad pero kadalasang nganga ang marami sa kawalan o kakulangan ng badyet.

Ang Senado, para sa paggawa ng kaukulang batas sa anomang bagay ang pangunahing trabaho nito.

Sino dapat ang lead agency sa katulad ng oil spill?

ANG DENR   

Para sa ULTIMATUM, sa lahat ng nasabing ahensya, ang DENR marahil ang posibleng ahensyang mangunguna laban sa oil spill.

Bakit?

Una, may batas itong pinaiiral sa pangongolekta ng basura gaya ng tumatagas ngayong langis at tamang pagtatapon ng basura.

Lumilitaw na may likidong basurang langis at tubig at may naging solido makaraang dumapo ang langis sa mga lupa, buhangin at puno sa mga dalampasigan na dapat kolektahin at itapon sa tamang kalagyan.

Ikalawa, may expertise itong pag-aralan ang mga polusyong likha ng katulad ng langis, nasa gitna man ng dagat o ilog o lupa man ang mga ito.

Ikatlo, ang mga batas sa basura at expertise sa polusyon ay pinaiiral sa lahat ng LGU kaya may kamay ito laban sa oil spill.

Eksperto rin ang DENR sa pagbuhay sa mga kapaligirang sinisira ng mga kalamidad gaya ng oil spill.

ANG KAKULANGAN?

Nagkakandarapa ang buong pamahalaan kung paano labanan ang oil spill at mga kasiraan sa karagatan, kalupaan at kapaligirang dulot nito.

Kaya naririyan ang panawagan sa Japan at United States na tumulong laban, partikular sa oil spill.

Para hindi tayo kailangang manikluhod at magkandarapa sa paghingi ng tulong sa iba, hindi ba pupwedeng palakasin ang DENR sa kakayahan nitong lumaban partikular sa tagas ng langis?

O mga senador at kongresman, maglaan na ng badyet para sa paggawa o pambili ng mga gamit laban sa oil spill para magamit ng DENR bilang lead agency at mga concerned agency.

Tandaan, tiyak na mauulit pa ang MT Princess Empress tragedy sa rami ng barkong bumibiyahe sa bansa.