DENR, DOLE nagsanib puwersa sa pagbuo ng mas maraming green jobs

DENR, DOLE nagsanib puwersa sa pagbuo ng mas maraming green jobs

October 19, 2022 @ 7:09 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagsanib puwersa ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Labor and Employment (DOLE) upang makabuo ng mga bagong ‘job opportunities’ sa bansa partikular na ang tungkol sa environment sector.

Ang partnership ay nagkaroon ng pormalidad sa pamamagitan ng paglagda sa memorandum of agreement (MOA) sa pagitan nina Environment Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga at Labor Secretary Bienvenido Laguesma sa ginanap na DENR Multistakeholder Forum na idinaos sa Diamond Hotel sa Manila noong Oktubre 5.

Nabatid na sa ilalim ng MOA, napagkasunduan ng dalawang ahensiya na magkaroon ng employment opportunities na nakahanay sa proteksyon at konserbasyon ng natural resources at ecosystems ng bansa.

Sa press statement ayon kay Sec. Loyzaga, kasalukuyang nakikipagtulungan ang DENR sa DOLE upang matukoy kung gaano karaming trabaho ang kinakailangan sa pamamagitan ng pagtukoy ng mga rehiyon, kapwa lupa at coastal areas, na nangangailangan ng suporta para sa forestation at implementasyon ng greening programs ng gobyerno.

Sinabi pa ni Loyzaga na kasalukuyang pinag-aaralan ng DENR Forest Management Bureau (FMB) ang geography ng bansa na naatasan din upang magsagawa ng mapping sa mga posibleng lugar kung saan maaaring magkaroon ng ‘green jobs.’

“There is a full range of opportunities available, and we hope that this may begin to serve as a strategic way of looking at how our environment and our economics might actually intersect, especially in the case of the most socially vulnerable, and most environmentally vulnerable geographies,” saad ni Loyzaga sa press conference matapos ang MOA signing.

Kaugnay nito ipinaliwanag din ng environment chief na ang pag-unawa sa geography ng bansa ay makatutulong sa national government agencies na tukuyin ang unemployment rate, poverty incidence, at high value areas na siyang makikinabang ng malaki sa oportunidad para sa environmental employment.

Samantala lumala ang unemployment rate noong Agosto ngayong taon kung saan lumalabas sa survey ng 10,810 pamilya sa buong bansa na 2.68 milyon na pamilya ay nawalan ng trabaho o negosyo batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa kabilang dako, iniulat din ng PSA na ang 2021 poverty incidence na siyang proporsiyon ng mga Filipino na ang capita income ay hindi sasapat sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan ay umabot sa 18.1% o 19.99 milyon ng Filipino, na mas mataas sa 17.67% noong 2018. Santi Celario