DENR hinimok, BARMM isama sa national greening program

DENR hinimok, BARMM isama sa national greening program

November 17, 2022 @ 1:43 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Hinimok ng mga Senador ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na isama ang Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) sa isasagawang National Greening Program (NGP) sa bansa.

Kasabay ito ng pagdinig ng plenaryo para sa proposed P23.13 bilyon na budget ng DENR para sa taong 2023 nitong Miyerkules, Nobyembre 16.

Ani Senador Cynthia Villar na sponsor ng budget, makatatanggap ang National Greening Program ng ahensya ng kalahati sa orihinal na inilaan, o P2.341 bilyon.

Ang kalahati naman nito ay inilipat bilang pondo sa pagpapatuloy ng pagbabantay at pagpapaunlad ng 114 legislated protected areas sa bansa.

Ani Villar, ang pondo ng NGP ay ibibigay sa 76 provincial environment and natural resources offices sa bansa maliban sa BARMM.

Dahil dito, idiniin ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda ang pinsala na idinulot ng bagyong Paeng sa nasabing rehiyon partikular na sa bayan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

“Nothing in the organic law would prohibit us from augmenting the block grant or identifying forest areas that can be reforested by the greening program of the DENR,” ani Legarda.

Tugon naman ni Villar, hindi ang greening program sa Maguindanao ang problema sa nagdaang bagyo dahil mas maayos pa ang greening program ng rehiyon kumpara sa ibang bahagi ng bansa.

“But they said they can help as long as they will be invited by DENR – BARMM. If they will be requested, they will help, but it should come from them. It should not come from the DENR,” aniya.

Ayon naman kay Legarda, dapat na makatanggap ng tulong ang BARMM mula sa pamahalaan pagdating sa reforestation.

“I’m sure they would be happy as long as you don’t touch their block grant. You can help them with the funds of the DENR. That’s just a suggestion for the Secretary of DENR to reach out to the ministry of environment of the BARMM parliament for the possible collaboration for reforestation,” dagdag pa ng senador.

Mula nang mabuo ito noong 2021 ay nakatanggap na ng kabuuang P55 bilyon budget ang NGP at nakapagtanim na rin ng nasa 1.855 bilyon ng mga seedlings tulad ng narra, kamagong, white lauan, mayapis, mangrove, bamboo, cacao, coffee, at iba pang fruit-bearing plants na may 78% survival rate.

Samantala, inihayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang kahalagahan ng follow-up checks sa greening program dahil sa panganib ng forest fire at iba pang uri ng aktibidad na maaaring makaapekto sa mga itinanim na punla.

Tugon ni Villar, ang naturang aktibidad ay ginagawa na ng mga forest rangers na inilagay ng DENR at iba pang katuwang mula sa pribadong sektor. RNT/JGC