DENR: Kaliwa Dam project itinigil muna

DENR: Kaliwa Dam project itinigil muna

October 12, 2022 @ 8:53 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hindi muna nagpalabas ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng  Environment Compliance Certificate (ECC) para sa pagtatayo ng kontrobersyal na Kaliwa Dam project sa lalawigan ng Quezon.

Ito ang ibinunyag ngayon ni DENR Undersecretary Ernesto Adobo Jr. sa public hearing sa panukalang 2023 P23 billion budget ng DENR na pinamumunuan ni Senator Cynthia A. Villar nang magpahayag ng pagtutol si Senador Raffy Tulfo sa proyekto.

Sinabi ni Adobo na ipinagpaliban ang pagpapalabas ng ECC sa proyekto dahil hindi pa nagagawa ang zoning nito sa mga protektadong lugar.

Ayon pa sa opisyal na ang Indigenous Peoples (IPs) ay hindi nagbigay ng kanilang Free and Prior Informed Consent (FPIC) – isang kinakailangan sa ilalim ng Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997 – na kumikilala sa mga karapatan ng IPs sa kanilang mga lupaing ninuno.

Nabatid na ang FPIC ay isa ring paunang kinakailangan para sa pagpapalabas ng isang Espesyal na Kasunduan sa Paggamit sa Mga Protektadong Lugar mula sa departamento ng kapaligiran.

Kaugnay nito sinabi ni Tulfo na ilang sektor ang tutol doon sa Kaliwa dam project dahil sa epekto nito sa kapaligiran at masamang epekto sa buhay at kabuhayan ng mga indigenous peoples (IPs) na naninirahan sa lugar.

Nabatid na ang Bagong Centennial Water Source – Kaliwa Dam Project ay naglalayong matugunan ang pagtaas ng demand ng tubig sa pamamagitan ng pagtatayo ng dam para sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) service area ng domestic water supply.

Ang Kaliwa Dam project ay matatagpuan sa lalawigan ng Quezon na may inaasahang lagusan na tumatawid sa Teresa, Rizal.

Kaugnay nito sinabi ni Tulfo na “musika sa aking pandinig” na hindi itutuloy ang proyekto dahil naniniwala siyang dapat protektahan ang mga bundok ng Sierra Madre, kasama ang buhay at kabuhayan ng mga IP sa lugar. Santi Celario