DENR maglalagay ng Trash Boom sa Manila Bay

DENR maglalagay ng Trash Boom sa Manila Bay

August 2, 2019 @ 2:49 PM 3 years ago


Manila, philippines – Upang maharang ang mga naglulutangang basura sa Manila Bay patungong Baywalk, maglalagay na ng trash boom ang Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Sa ginanap na forum sa National Press Club, sinabi ni DENR Undersecretary Benny Antiporda na ngayong taon ang target ng ahensya na maglagay ng trash boom upang maharang ang mga basura sa Manila Bay.

Tuloy-tuloy din ang paglilinis ng binuong Inter Agency na nakatutok sa Manila Bay Rehabilitation Program subalit aminado si Usec. Antiporda na bahagyang naapektuhan sa panig ng enforcement dulot ng nagdaang eleksyon.

Paliwanag ni Usec Antiporda, inuuna lamang nila ang original projects ng DENR  na nakatuon sa paglilinis ng mga creeks at ilog upang hindi maabot ng polusyon ang tubig na patungo sa Manila Bay.

Para sa puspusang operasyon ng proyekto, napag-alaman na may hinihintay pang  tinatayang P2.3 bilyong pondo na ilalaan sa Manila Bay rehabilitation kabilang dito ang dredging, pagsasaayos ng communal septic tanks habang ang iba naman ay para sa relokasyon ng mga informal settlers.

Nabatid na nasa 52,000 na lamang ang coliform level ng Manila Bay mula sa dating 1.3 billion kung saan nagkakaroon pa rin ng pabagu-bagong level kung kayat patuloy na nakatutok ang inter agency.

Target ng DENR na maibalik sa dating anyo ang Manila Bay kung saan makikita noong malinis at maaring paglanguyan pa ng publiko ang naturang karagatan. Jocelyn Tabangcura-Domenden