DENR, makikipagtulungan sa mga kompanya vs plastic waste

DENR, makikipagtulungan sa mga kompanya vs plastic waste

November 7, 2022 @ 7:56 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Upang pangalagaan ang kalikasan tinitignan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang posibleng partnership nito sa mga kumpanya sa bansa upang makabuo ng plastic waste management action roadmap, bilang bahagi ng pangako ng ahensiya na ma-regulate ang plastic packaging at mabawasan ang basura.

Ito ay matapos na maimbitahan ang mga kinatawan ng private sector bilang panelists at ibahagi ang kanilang pagsisikap upang makamit ang sustainable economic growth sa ginanap na DENR Multistakeholder Forum noong Oktubre 7 sa Maynila.

Si DENR Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga, na ang pamumuno ay may layon na makibahagi ang buong society, ay tinitingnan ang pagkakaroon ng mga oportunidad para sa strategic partnership sa pribadong sektor matapos na mangako ang lahat ng panelists na tutulong sa ahensiya para sa pangangasiwa ng plastic waste.

“In many ways, the work of the environment and natural resources management intersects the commercial and private interest of the major conglomerates, and so we are very keen to involve them strategically. There are opportunities that are going to be wide open for us to explore and to detail in the coming weeks,” saad ni Loyzaga sa press briefing.

Kaugnay nito sa ginanap na forum, nangako si JG Summit Holdings Inc. president at CEO Lance Gokongwei na makabuo ng polisiya kasama ang kanilang mga stakeholders partikular na ang DENR para pamahalaan at pagbutihin ang “circulatory” ng plastic.

Parehas din ang naging sentimiyento ni Vista Land and Lifescapes president at CEO Manuel Paolo Villar at tiniyak din nito sa DENR na nakahanda itong tumulong upang makabuo ng mga polisiya para sa kapaligiran habang patuloy na isinusulong ang economic development.

Kapwa naman nangako at nagpahayag na susunod sa misyon ng DENR sina San Miguel Corporation president at CEO Ramon Ang at SM Prime Holdings chair Hans Sy, na matagal na ring katuwang ng ahensiya sa paglilinis at rehabilitasyon ng maruruming sapa at iba pang daluyan ng tubig.

Nakahanda naman na maging ka-partner ng DENR ang Ayala Corporation, ito ay base na rin kay associate director Mariana Zobel de Ayala na ang kumpanya ay gumagamit na plastic sa paggawa ng pagmumulan ng construction materials at pagkakaroon ng plastic garbage collection points.

Nagpahayag din ng suporta sina First Philippine Holdings Inc. chair at CEO Federico Lopez at International Container Terminal Services Inc. executive vice president Christian Razon Gonzales sa environmental mission ng DENR.

Ayon kay Loyzaga, ang pakikiisa ng bawat isa sa panel na makipagtulungan sa DENR sa plastic waste management ay isa sa mga mahahalagang development sa forum.

Nangako din ito na gawing working plans ang mga pangakong ito dahil sa kasalukuyan, ang DENR ay nasa proseso ng pagbuo ng implementing rules and regulations para sa Republic Act 11898 o ang Extended Producer Responsibility (EPR) Act na nag-lapse nitong Hulyo kaya’t naging ganap na batas.

Target ng EPR law, na naging epektibo noong Agosto 13, 2022, na marekober ang plastic packaging footprint ng 20 percent sa Disyembre 31, 2023 at 80 percent pagsapit ng Disyembre 31, 2028 at sa mga susunod pang taon. Santi Celario