DENR may kakampi na sa pagbuhay sa Mahiga River

DENR may kakampi na sa pagbuhay sa Mahiga River

August 1, 2020 @ 4:56 PM 6 days ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Upang muling buhayin ang marumi at baradong Mahiga River sa Cebu sa pamamagitan ng Adopt-an Estero/Waterbody Program, nakakuha ng kakampi ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa 28 pribadong k0mpanya at organisasyon.

Sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan ni DENR Secretary Roy A. Cimatu at nina Mayor Edgardo Labella ng Cebu City at Mayor Jonas Cortes ng Mandaue City, kasama ng mga kinatawan ng mga kompanya at organisasyon noong Hulyo 21 sa Cebu City ay nagkaisa ang mga ito na magtulong-tulong para sa rehabilitasyon ng Mahiga River.

Ayon sa DENR lumagda rin sa MOA ang anim na kapitan ng barangay na nakasasakop sa 9.1 kilometrong ilog na kinabibilangan ng Apas, Banilad (Cebu City), Kasambangan, Banilad (Mandaue City), Mabolo at Subangdako.

Idinagdag pa sa ulat na kabilang sa mga pribadong kompanya na lumagda sa MOA bilang adopters ng Mahiga River ay ang Aboitiz Power Oil Visayas, A.D. Gothong Manufacturing Corp., Archdiocese of Cebu, ARN Central Waste Management Inc., AWG Development Corp., Banilad Town Center at Cebu Business Park Association Inc.

Nakiisa rin sa programa ang Cebu Chamber of Commerce and Industry, Cebu Golden Restaurant, Cebu Filipino-Chinese Chamber of Commerce, Cebu Land Masters Inc., Cebu Rolling Hills Memorial Chapels Inc., Coca-Cola Beverages Philippines-Cebu Wilkins Plant, Dynamic Power Adoptor, Ginebra San Miguel Inc. at Global Business Power.

Sinabi pa ng DENR na makikipagtulungan din ang International Pharmaceuticals, Inc., Jollibee Foods Corporation, Jomara Konstruck, Medclean Management Solutions Inc., Mezzo Hotel, New Millenium Petron Service Station, Pollution Abatement Systems Specialists Inc., Pollution Control Association of the Philippines, Inc. Foundation, Sarrosa International Hotel and Residential Suites, SM City Cebu at ang The Lucky Group Management and Development Corp. Gaisano Country Mall.

Sa pamamagitan ng MOA ay nagkasundo ang bawat isa na magkaroon ng Comprehensive Rehabilitation Program upang mabawasan ang polusyon sa Mahiga River maging sa mga daluyan ng tubig na patungo rito.

“Mahiga River Creek is a critical waterway in the city and its current condition requires intensified actions from all stakeholders to ensure the sustainability of all rehabilitation measures,” sabi ni Director Lormelyn Claudio ng DENR-Environmental Management Bureau sa Region 7.

Ayon kay Claudio, umabot na sa punto ng pagkasira ang ilog at nagiging banta na rin ito sa seguridad at kalusugan ng komunidad na nakatira malapit dito kaya’t kinakailangan na ng mga residente at gobyerno ng tulong mula sa mga pribadong sektor.

Aniya, kinakailangan na ng tulong ng DENR mula sa mga pribadong indibidwal at organisasyon bilang bahagi ng kanilang “Corporate Social Responsibility” programs para sa maayos na pangangasiwa sa solid, hazardous at wastewater ng ilog kabilang na rito ang “surface clean-up” sa bawat bahagi ng Mahiga River.

Tutulong din ang mga ito sa information, education and communication (IEC) campaign at social mobilization activities ng DENR at local government units (LGUs) upang magkaroon ng maayos na relasyon sa komunidad at makuha ang kanilang partisipasyon, kooperasyon at suporta para sa mga programa.

Samantala, sa pagtutulungan ng Cebu LGUs at EMB 7 ay titiyakin na susunod ang mga establisimyento sa pagsasaayos ng kanilang solid, healthcare at household hazardous waste base na rin sa nakasaad sa environmental laws sa barangay level.

Sa bahagi naman ng DENR, sa pamamagitan ng tanggapan ni Region 7 Executive Director Paquito D. Melicor, Provincial at Community Environment and Natural Resources Offices at EMB, 7 ay magsasagawa ng monitoring sa mga industrial at commercial establishment at magkakaroon din ng regular na water quality monitoring sa mga piling lugar sa Mahiga River at iba pang daluyan ng tubig upang matukoy kung may pagbabago sa water quality ng ilog.

Isa sa mga pangunahing programa ng DENR, ang Adopt-an Estero/Waterbody ay isang hakbangin ng pagtutulungan ng mga nakatira sa estero, donor-partners, iba pang ahensya ng gobyerno at ng DENR.

Layunin ng programa na malinis ang mga estero sa basura, bara at burak, mahikayat ang mga komunidad na linisin ang estero at makuha ang kanilang aktibong partisipasyon sa mga ginagawang clean-up at sa pagpapatupad at paghahanda ng mga plano upang mapanatili ang malinis na estero. Santi Celario

Comments (3)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *


Loading...