DENR nagpasaklolo na sa IPs sa pagbabantay ng kagubatan

DENR nagpasaklolo na sa IPs sa pagbabantay ng kagubatan

November 4, 2022 @ 1:30 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagpasaklolo na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga indigenous people o IP at hiniling na maging katuwang para maprotektahan ang mga natitirang kagubatan sa bansa.

Sa Laging Handa public briefing, inamin ni DENR Undersecretary Jonas Leones na hindi kasi kakayanin ng mga forest rangers ng DENR ang lawak ng kagubatan na dapat bantayan ng gobyerno.

“Sa ngayon, ang ginagawa namin diyan, dahil kulang ang ating mga forest rangers, nakikipag-ugnayan po kami sa mga local government units. Makikipagtulungan po ako sa DILG para naman matulungan kami sa pag-inform nitong mga batas para sa kagubatan, environmental laws, pati na rin po iyong mga IPs, mga communities ay hinihingan din po namin ng tulong para maging partner namin, para maprotektahan ang mga natitirang kagubatan dito sa ating bansa,” ani Leones.

Aniya, nasa 15 milyong ektarya kasi ang forest land ng bansa at kaunti lang ang bilang ng kanilang forest rangers para ito’y mabantayan.

Sa kabila nito,sa kabila ng tulong mula sa PNP at AFP, mayroon din aniya silang mandato na dapat tuparin kaya ayaw din nilang masyadong umasa dito.

“Kasi, ganito ang nangyari, kami ay nakasalalay lang kami, nagri-rely lang kami sa mga regular enforcement agencies natin like the PNP and the military. Pero ang problema namin mayroon silang mga mandate, iyong mga priorities nila, may mga urgent na pagkakataon ay hindi na natin sila masyadong maasahan dahil mayroon silang mga ginagawa rin. So, humingi kami ng talagang enforcement team or unit na tutulong sa amin para mabilis naming maaksiyunan iyong mga illegal activities, mas maganda po sa amin,” ang winika ni Leones.

At sa gitna na rin ng kakulangan ng mga taong magbabantay sa mga kagubatan, sinabi ni Leones na nagpanukala na sila sa Kongreso na kung maaari ay mabigyan sila ng resources at mga batas para mapalakas ang kanilang enforcement capability.

“Sa laki ng ating forest land area, sabi ko nga 15 million hectares ang forest land natin, at kaunti talaga iyong ating mga forest ranger and forest guard. Bukod doon, kaunti na iyong ating forest guard, maliit pa iyong ating resources natin para sa enforcement ng ating mga forestry laws and environmental laws. Kaya nga ang ginagawa natin ay nagsa-suggest kami, nagpu-propose kami sa Kongreso na kung pupuwede ay mabigyan kami ng resources at mga batas, like for example, palakasin iyong aming enforcement capability,” aniya. Kris Jose