DENR namagitan sa higit 600 land dispute cases

DENR namagitan sa higit 600 land dispute cases

January 9, 2023 @ 7:56 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Aabot sa 606 land dispute cases o 43 percent ng 1,419 cases ang naresolbahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na isinangguni sa Alternative Dispute Resolution (ADR) program nito simula pa noong 2019.

Ito ay ipinaalam ni DENR Assistant Secretary for Legal Affairs and ADR Committee Chair Michelle Angelica Go sa ginanap na awarding ceremony para sa Best ADR Officers (ADROs) na bahagi ng pagdiriwang ng DENR National ADR Day 2022 noong December 6 sa central office sa lungsod ng Quezon.

Sa press release sinabi ni Go na dahil ang mga pagkaantala sa pagresolba ng land dispute cases ay nagdudulot ng “mistrust” sa DENR, ang mabilis na resolusyon ng land cases sa pamamagitan ng ADR mechanism ay nagtataas ng integridad ng ahensiya na ayon dito ay “a crucial determinant of citizens’ trust in government.”

Kaugnay nito ayon kay Go, ang 606 mediated cases sa loob ng apat na taon “is quite a feat” kung ikokonsidera ang mas matagal na panahon at malaking gastos kung ang mga kasong ito ay naresolba sa korte.

Sinabi pa niya na nakikinabang sa ADR mechanism ang mga nagtutunggali sa larangan ng oras at gastusin kung ikukumpara sa paghahain ng kaso kung saan ang dalawang partido ay nasasailalim sa adversary system at court decisions batay sa merito ng kanilang pagtatalo.

Samantala ang pagkakaroon ng DENR ng ADR mechanism ay ayon sa Republic Act (RA) 9285 o Alternative Dispute Resolution Act of 2004 at DENR Administrative Order (DAO) 2005-18, na nananawagan na gumamit ng ADR principles at procedures sa pagresolba ng mga tunggalian.

May 412 ADR mediations ang naisagawa sa taong ito, karamihan ay ginawa online, na lagpas ng 110 percent sa 376 ADR mediations na naisagawa noong isang taon.

Iniugnay ni Go ang pagtaas ng bilang ng ADR mediations noong 2022 sa buong implementasyon ng DAO 2021-01 na “Guidelines on the Conduct of Virtual Alternative Dispute Resolution Proceedings in the Resolution of Land Claims and Conflicts and Other Natural Resources Disputes in the Department” na inilabas noong Enero 29, 2021.

Maliban sa RA 9285, ang DAO 2021-01 ay ayon sa RA 11494 o ang “Bayanihan to Recover as One Act” na nagbabalangkas ng mga hakbang para sa COVID-19 response at recovery interventions at sa Supreme Court Administrative Circular No. 37-2020 na nananawagan sa pilot testing ng mga pagdinig sa pamamagitan ng videoconferencing.

Ang lands sector ang naunang isinama sa DENR ADR program. Noong 2018, isang comprehensive 80-hour accreditation training ang isinagawa para sa layuning ito.

Sa 427 indibidwal na nakatapos sa training program, may 346 ang aktibong ADRO sa kasalukuyan matapos ang paglipat sa ibang ahensiya ng gobyerno o retirement ng 78 na iba pang ADROs.

Ayon kay Go, karamihan sa DENR-ADROs ay hindi abogado na isang kalamangan kumpara sa lawyer-ADROs. Santi Celario