DENR namahagi ng titulo ng lupa sa Northern Mindanao

DENR namahagi ng titulo ng lupa sa Northern Mindanao

May 18, 2022 @ 6:33 PM 1 month ago


NORTHERN MINDANAO – Upang mapaganda ang buhay ng mga naninirahan sa lalawigan namahagi ng mga titulo ng lupa ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pamamagitan ng “Handog Titulo” program sa 415 kwalipikadong benipisyaryo sa rehiyon noong Mayo 6.

Nabatid sa ginanap na ceremonial turnover sa DENR Region 10 Multi-Purpose Court sa Cagayan de Oro City, 200 benipisyaryo mula sa Bukidnon ang nakatanggap ng Original Certificates of Title (OCT), 10 sa Camiguin, 20 sa Lanao del Norte, 35 sa Misamis Occidental at 150 sa Misamis Oriental.

Bunsod nito nagpahayag ng pag-asa si DENR Acting Secretary Jim O. Sampulna na ang mga titulo ng lupa ay makatulong na mapaganda ang buhay ng mga benipisyaryo.

“More than just providing security of tenure to landowners, I encourage all patentees of agricultural lands to make their land productive. Make this a tool to improve the quality of your lives and that of your children,” sabi ni Sampulna.

Samantala dagdag pa ng Environment chief na dapat pangalagaan ng mga benepisyaryo ang kanilang mga titulo upang hindi ito masira ng sunog or ulan at hindi mawala. “Please take care of it.”

Kaugnay nito ayon pa sa DENR ang distribusyon ng titulo ng lupa noong Mayo 6 ay bahagi ng 4,000 free patents na target na maipamahagi sa Northern Mindanao bago matapos ang 2022.

Bukod sa agricultural free patents, kabilang din sa distribusyon ang residential at special free patents.

Kaugnay nito hinikayat naman ni DENR Undersecretary for Legal, Administration, Human Resources and Legislative Affairs Ernesto D. Adobo, Jr. ang mga benipisyaryo na gamitin ng tama ang mga titulo ng lupa upang mapalago ang ‘economic activity.’

Ayon kay DENR-Northern Mindanao Regional Executive Director Henry A. Adornado, ang land titling program ay isinasagawa alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na bilisan ang pagproseso at pag-isyu ng public land patents sa mga kuwalipikadong benipisyaryo. Santi Celario