DENR, nanindigan muling ibabalik ang isla ng Boracay

DENR, nanindigan muling ibabalik ang isla ng Boracay

July 18, 2018 @ 5:01 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Nanindigan si Department of Environment and Natural Resources Sec. Roy Cimatu na nananatiling matatag ang pamahalalan para protektahan ang ating katubigan at ecosystem para muling ibalik ang ganda ng isla ng Boracay na isinara ng anim na buwan sa mga turista dahil sa polusyon simula noong Abril 26, 2018.

Sa press statement, sinabi ni Cimatu ang DENR at iba pang ahensya ng pamahalaan na involved sa rehabilitasyon ng isla ng Boracay ay nalinis na ang ilang illegal structures na nagtayo sa isla na itinuturing na forestland at wetlands.

“The clearing operations will pave the way for the rehabilitation and restoration of these ecosystems’ natural functions, especially for clean water supply, flood control, and wildlife habitat,” ayon pa kay Cimatu.

Sa kasalukuyan, natukoy na ng DENR ang mga establisyimento na iligal na komunekta sa drainage system o sewerage treatment plants dahilan para makontamina ang tubig sa isla ng Boracay na tinaguriang white beach.

Sinabi pa ng DENR na inihahanda na ng ahensya ang pagsasampa ng kaso sa mga establisyimento na lumabag sa Clean Water Act at iba pang environmental rules at regulations at local na ordinansa ng isla ng Boracay.

Ayon pa kay Cimatu, simula pa noong Hulyo nitong nakalipas na taon ang DENR ay kumikilos na, at nagtatrabaho para mapaunlad ang forest cover ng bansa, at muling ibalik ang nasirang kagubatan, protektahan ang mga coastal at marine resources at ipatupad ang mga environmental laws para makatulong sa ecosystems at komunidad upang makasunod sa epekto ng pagpapalit ng klima.

Ginawa ni Cimatu ang pahayag upang iprisinta na rin ang mga naging accomplishment ng DENR bilang miyembro ng ahensya sa Cabinet Cluster on Climate Change Adaptation, Mitigation and Disaster Risk Reduction at iprisinta na rin sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 23. (Santi Celario)