DENR, pilit aabutin ang October deadline ng Boracay

DENR, pilit aabutin ang October deadline ng Boracay

July 8, 2018 @ 3:44 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Pipilitin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na abutin ang kanilang October deadline sa re-opening ng isla ng Boracay matapos itong isinara sa publiko ng anim na buwan para sa rehabilitation.

Ayon kay DENR Undersecretary Jonas Leones, kahit magtatatlong buwan pa lamang ang rehabilitasyon ay maayos ang isinasagawa nilang aktibidad para sa isla, kabilang na ang paglilinis at easement sa beach front area.

Gumaganda na rin umano ang status ng tubig sa sa dagat, kahit hindi pa masasabing naibalik na ang dating linis nito.

Samantala, bumisita kanina, (July 8) sina Special Assistant to the President Bong Go at Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III sa isla ng Boracay, kasunod ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na nais niyang pumunta sa isla upang personal na makita ang development doon.

Balak rin umano ng pamahalaan na maglunsad ng mga green infrastructure projects sa Boracay bilang pagsunod sa pahayag ni Duterte na isasailalim nito ang buong isla sa land reform at ilalaan ang lamang ang application para sa tourism purposes.

Kasamang bumisita nina Bello at Go, nasa Boracay si DENR Secretary Roy Cimatu.

Sa hiwalay na report, sinabi ni Duterte na personal siyang tutungo sa Boracay sa kalagitnaan ng isinasagawang rehabilitasyon upang matiyak na naipatutupad ang kanyang mga kautusan para sa isla.

Ani Duterte, mahalaga ang Boracay sa turismo ng bansa kaya dapat lamang na tutukan ito upang hindi na maulit ang pagpapasara dito.

Nagpahayag naman si Tourism Usec. Benito Bengzon Jr. na target ng gobyerno na “i-rebrand” ang Boracay kung saan plano nilang maglunsad ng mga green infrastructure projects sa isla.

Batay sa datos mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines, nasa 3.7-milyong turista ang bumisita sa isla noong 2017 kahit pa naipasara ito sa kalagitnaan ng taon.– NENET L. VILLAFANIA