DENR sinabon ni Tulfo sa mabagal na aksyon sa Masungi, Kaliwa Dam

DENR sinabon ni Tulfo sa mabagal na aksyon sa Masungi, Kaliwa Dam

November 17, 2022 @ 5:50 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabon ni Senator Raffy Tulfo si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Antonia Yulo Loyzaga dahil kabiguan ng ahensya na agarang lutasin ang mga isyu sa seguridad partikular ang sinasabing landgrabbing sa Masungi Georeserve sa Rizal.

Sa deliberasyon ng Senado sa budget ng DENR kahapon, Nobyembre 16 nanawagan din si Tulfo sa Departamento na huwag magbulag-bulagan sa mga hindi magandang pangyayari sa conservation area, kabilang na ang kamakailan ang insidente ng pamamaril ng mga armadong lalaki sa forest rangers.

“Marami na nga po talagang nagyaring katiwalian diyan sa Masungi, pero nagbulag-bulagan at nagbingi-bingihan lamang ang DENR,” ani Tulfo.

Dahil pinili ng DENR na suspindihin at hindi kanselahin ang Mineral Production Sharing Agreements (MPSAs) na ipinagkaloob sa Masungi Georeserve Foundation, Inc. (MGFI), dalawang forest rangers ang binaril sa ulo at leeg noong Hulyo 24, 2021 habang mahigit 20 armadong lalaki ang nakitang nagkampo sa lugar noong Setyembre 2022.

Sa gitna ng mga nakakaalarmang pangyayari, hindi kumilos ang DENR upang maresolbahan ang isyu, at nangatwiran pa na ang sigalot ay sa pagitan ng Masungi at ng mga claimants ng lupa.

Sinuman ang sangkot sa isyu, sinabi ni Tulfo na inaasahang magiging mabilis ang pagkilos ng gobyerno kapag may krimen na naganap, at sa kasong ito ay inaasahang pangungunahan ng DENR ang mga aksyong gagawin sa protektadong lugar.

Iminungkahi ng Senador mula sa Isabela at Davao na maaaring gamitin ng DENR ang ₱13.9-million intelligence funds nito sa ilalim ng proposed 2023 budget para resolbahin ang mga isyu sa Masungi Georeserve.

“With this amount, kaya niyo po sigurong mag-tap ng network of intelligence para alamin sino-sino ang mga grupong nanggugulo sa loob ng Masungi. Kailangan po nating mapalayas ang mga armed groups diyan kasi even as we speak, nandoon pa rin po ang mga armed groups, pagala-gala,” ani Tulfo.

Batay sa mga ulat na kanyang natanggap, sinabi ni Tulfo na ang mga armadong lalaki ay may dalang M16 at M23.

Iginiit ni Loyzaga na iniimbestigahan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pangunguna ni Sec. Benjamin Abalos Jr. Dahil dito, inatasan ni Tulfo si Loyzaga na ibigay sa kanyang opisina ang mga ulat o update tungkol sa isyu sa loob ng isang linggo.

Inatasan din ni Tulfo si Loyzaga na ituon ang kanilang atensyon sa kalagayan ng mga IPs sa Rizal at Quezon na napilitan umanong pumirma ng Memorandum of Agreement (MoA) sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) para sa Kaliwa Dam deal.

Kahit pa sinasabi ni Loyzaga na P1M ang inaalok kada pamilya, sinabi ni Tulfo na ang mga IPs ay lugi pa din dahil sila ay pinagkakitaan pa sa pamamagitan ng pagaalok sa kanila na bumili ng house and lot gamit ang nasabing pera.

“In so many ways, tinatakot po sila, pinipilit silang pumirma at napipilitan na lang sila dahil may kasamang naka-civilian pero may nakasukbit na baril habang pumipirma sila. Kailangan alam ninyo lahat ng transakyon na nagaganap na may kinalaman sa environment jurisdiction ninyo.

“This is your jurisdiction. I really need you to focus attention sa kalagayan ng IPs dahil walang ibang makakatulong sa kanila kung hindi ang gobyerno. Paano kung pati gobyernong dapat nagpoprotekta sa kanila, ay ang mismong lumalapastangan sa kanilang mga karapatan?,” saad niya. Ernie Reyes