Department of Disaster Resilience ok na sa committe level ng Kamara

Department of Disaster Resilience ok na sa committe level ng Kamara

July 27, 2018 @ 2:56 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Matapos isama sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, agad nang lumusot sa House Committee on Government Reorganization at House Committee in National Defense ang isa sa priority bills ng administrasyon na pagtatag ng Department of Disaster Resilience (DDR).

Ayon kay Government Reorganization Committee Chairman Xavier Jesus Romualdo na ang kanilang inaprubahan ay consolidated version na ng 8 magkakahiwalay na panukala, aniya sa ialim ng nabuong consolidated version ay ang DDR ang siya nang magiging pangunahing ahensya na mangangasiwa sa Disaster Preparedness, Prevention, Mitigation, Response, Recovery at Rehabilitation.

Sa oras na maging batas ay bubuwagin na ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at papalitan na ito ng Department of Disaster Resilience Council na siyang aakto bilang policy making at advisory body pagdating sa usapin ng climate change at disaster rick reduction management.

Ang tungkulin ng Office of the Civil Defense at Climate Change Commission ay ililipat na sa DDR at isasailalim din dito ang iba’t ibang ahensya gaya ng Health Emergency Management Bureau, PAGASA, PHIVOLCS at Bureau of Fire Protection.

Matatandaan na sa kanyang SONA ay binanggit ni Pangulong Duterte na isa sa kanyang isusulong ay ang pagtatag ng DDR at nang maupo si House Speaker Gloria Macapagal Arroyo ay agad nitong pinulong ang komite na may hawak ng panukala at inatasan ang Technical Working Group na paspasan ang pag-apruba nito.

Ngayong aprubado na sa komite level sinabi ni Romualdo ay agad nilang ipapasa sa House Committee in Appropriations ang nabuong consolidated version para sa funding requirement at bago isumite sa House Plenary para pagbotohan.

Sa panig ni Arroyo tiniyak nito ang suporta ng Kamara sa mga priority bill ni Pangulong Duterte. (Remate News Team)