DepEd: 97.5% ng pampublikong paaralan sa bansa, balik na sa full F2F classes

DepEd: 97.5% ng pampublikong paaralan sa bansa, balik na sa full F2F classes

November 7, 2022 @ 2:57 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Ibinalita ng Department of Education (DepEd) nitong Lunes, Nobyembre 7 na nasa 97.5% ng mga pampublikong paaralan sa bansa ang nagpatupad na ng limang araw na face-to-face classes.

Ayon kay DepEd spokesperson Atty. Michael Poa, 2.36% naman sa mga pampublikong paaralan ang pinayagan na magpatuloy sa kanilang blended learning lalo na ang mga paaralan na naapektuhan ng dumaang bagyong Paeng.

Matatandaan na nagsimula nitong Nobyembre 2 ang pagbabalik ng full in-person classes sa lahat ng mga pampublikong paaralan sa bansa samantala ang mga pribadong paaralan naman ay pinayagan na magsagawa pa rin ng blended learning o full distance learning modality.

“Nakita naman po natin na naging maayos naman po ang pagre-resume natin ng classes. Wala naman tayong major incidents, although siyempre meron pa rin tayong affected schools dahil sa Typhoon Paeng,” ani Poa kasabay ng pulong balitaan.

Sa impormasyon, nasa 324 paaralan ang nasira ng bagyo samantala 435 paaralan naman ang ginagamit pa rin bilang evacuation centers.

Nakikipag-ugnayan na ang DepEd sa mga lokal na pamahalaan upang magamit na ang mga silid-aralan sa pag-aaral ng mga estudyante.

“Nakapag-download naman tayo ng cleanup funds, as well as funds for the necessary TLS (temporary learning spaces) that we have to put up in these areas,” pagtatapos ni Poa. RNT/JGC