DepEd execs ginisa ng Senado sa laptop produrement

DepEd execs ginisa ng Senado sa laptop produrement

September 29, 2022 @ 5:16 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ginisa ng mga miyembro ng Senate blue ribbon committee ang ilang opisyal ng Department of Education dahil sa iregularidad ng dalawang dokumentong nagbibigay pahintulot sa procurement ng laptop noong 2021 na naging usapin dahil sa di-umano ay overpricing.

Kasabay ng pagpapatuloy ng pagdinig ngayong araw, Setyembre 29, sinabi ni Senator JV Ejercito na ang unang “authority to procure” (APR) ay mayroong nakalagay na 65,000 total units samantala ang ikalawa naman ay mayroon lamang 39,583 units.

Ani Ejercito, ang unang APR ay mayroong inisyal ni Education Undersecretary Annalyn Sevilla.

“Bakit malaki ‘yung disparity? ‘Yung una 68,500. Pangalawa, 39,000 na lang. And ‘yung sa second, walang initial si Usec. Sevilla,” tanong ng Senador.

Kinumpirma naman ni DepEd Undersecretary Alain Padua na inisyal niya ang nakalagay sa parehong dokumento

Nang tanungin naman kung bakit mayroong dalawang kopya, tugon niya na ang ikalawang purchase request ay may bagong bilang ng natukoy na laptop.

“Because the previous one, the quantity of laptops there was computed on the basis of the prevailing market price of the time. And since we already have a new market survey coming from the PS-DBM and they have set the ceiling for the allowable budget ceiling, then the quantity of the project already changed so the need for another APR or purchase request,” ani Alain, na tumutukoy sa Procurement Service of the Department of Budget and Management.

Sa kabila nito, idiniin naman ni Ejercito na wala na sa ikalawang dokumento ang inisyal ni Sevilla.

Maaari naman umanong hindi dumaan sa opisina niya ang ikalawang APR.

“Ito po ‘yung intindi ko dito. The first one dated December 2020 was submitted to our office. That’s the reason why ito po ay na-record natin at na-initial ano natin,” ani Sevilla.

“But the other document presented… I would presume hindi po iyon nadaan sa opisina namin because otherwise meron po akong comment diyan or maybe a note that this is not okay to be signed or anything. But ngayon ko po nakita yung document,” dagdag pa niya.

Nagpaabot naman ng pagkabahala si Ejercito na maaaring hindi nabusisi ang ikalawang dokumento bago pirmahan ni dating Education Secretary Leonor Briones.

Maliban sa pag-uusisa ng Senador, tinanong rin ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III si Padua kung bakit itinago ang estimated unit cost sa ikalawang dokumento.

“Bakit po ganito? It was so defectively accomplished. Can you explain, sir, because your signature appears on the document,” tanong ni Pimentel.

“When they submitted this, they already based the lots one, two, three, and four quantity details already coming from another document. Presumably coming from the PS-DBM side because they are the ones who defined the lots,” sagot naman ni Padua. RNT/JGC