DepEd: Halos P1.3B kailangan sa pagkumpuni ng quake-hit schools

DepEd: Halos P1.3B kailangan sa pagkumpuni ng quake-hit schools

July 30, 2022 @ 12:45 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Halos P1.3 bilyon ang kakailanganin sa pagkumpuni ng halos 9,000 paaralan na napinsala ng magnitude 7 na lindol sa northern Luzon, ayon sa Department of Education (DepEd).

Inihayag ng DepEd nitong Biyernes na 9,539 paaralan ang apektado ng malakas na pagyanig habang 226 ang napinsala. Sa bilang na ito 132 ay mula sa Cordillera Administrative Region (CAR), 49 mula sa Ilocos Region, 25 mula sa Cagayan Valley Region, 18 mula sa Central Luzon Region, isa sa Metro Manila, at isa sa CALABARZON.

Hindi naman bababa sa 442 silid-aralan ang labis na napinsala habang 636 ang nangangailangan ng major repair work.

“Accordingly, an estimated Php 1.298 billion is needed for the repair and reconstruction of totally and partially major damaged classrooms,” pahayag ng DepEd.

Balik-trabaho na ang mga tauhan ng karamihan sa mga paaralan nitong Huwebes, ayon sa ahensya.

Bukod sa kasalukuyang relief disaster efforts, sinabi ng DepEd na pinakilos na ng Education Facilities Division ang mga inhinyero nito sa Cagayan Valley region upang tumulong sa mga tauhan ng CAR at Ilocos sa pagsasagawa ng structural assessment.

Dumalo rin ang DepEd Central Office representatives sa Camp Coordination and Camp Management and Internally Displaced Person Protection cluster meeting upang talakayin ang response operations at reporting arrangements.

Gayundin, nagsagawa ang National Education Cluster Partners ng rapid assessment sa pinsala at mga kinakailangan upang matukoy ang mga rehiyon o dibisyon na nangangailangan ng Psychological First Aid. RNT/SA